^

Punto Mo

Meron ka bang privacy?

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon Bernardo - Pang-masa

Malawak ang kahulugan ng salitang privacy. Wala itong direktang salin sa Filipino pero karaniwang patungkol ito sa pribadong buhay ng isang tao, pamilya, grupo o institusyon. Karaniwan, ang anumang impormasyon hinggil sa kanilang mga sariling buhay ay sinasarili lang nila at hindi ito hinahayaang malaman ng ibang mga tao. Binabakuran ito ng kaukulang mga proteksyon para hindi malantad sa publiko.

Isa rin itong dahilan kaya meron ding mga batas sa privacy para mapangalagaan ang sinuman laban sa mga kriminalidad. Hindi ka basta-basta makakakuha ng impormasyon halimbawa sa rekord ng mga depositor ng banko, ng mga empleyado o opisyal ng mga pribado at pampublikong kumpanya, ng mga taong may asunto, ng mga estudyante, o mga record ng mga pasyente sa ospital nang walang awtorisasyon.

Sa teknolohiya tulad ng sa internet, social media, computer, at smartphone, merong tinatawag na mga password, pin o passcode, digital fingerprint, facial recognition, QR Code at iba pang sistemang panseguridad na nangangalaga sa mga pribado at sensitibong impormasyon ng mga taong gumagamit nito.

Malaking problema sa sino man kapag nabibilad sa publiko ang sarili at pribado niyang buhay nang hindi nila kagustuhan. Maaari silang hangaan, purihin, tingalain, pag-usapan pero puwede ring masira ang kanilang pangalan, karangalan, malagay sila sa kahihiyan o alanganing sitwasyon, manganib ang buhay, mapagsamantalahan, maperhuwisyo, maging tampulan ng mga tsismis, katatawanan, biruan, kantiyawan, kainisan, kamuhian at pandirihan.

Maaaring depende na sa isang indibidwal kung paano niya pangangalagaan ang kanyang privacy o kung gugustuhin niya o hindi na mabalitaan ng ibang tao ang anumang isyu hinggil sa kanyang personal na buhay. Mahirap din namang magmantini ng privacy lalo na kung nasa tugatog ka ng tagumpay pero marami na rin namang mga kilalang personalidad na, kahit sa kasikatan nila sa lipunan at larangang ginagalawan, naitatago nila ang pribado nilang buhay. Hindi sila natitinag kahit anong klaseng pangungulit at pangangalampag ang gawin sa kanila. Mahigpit silang tumatangging mainterbyu hinggil sa personal nilang buhay. Nananatili silang tahimik. May mga tao nga na, makaraang mamatay, saka na lang nalalantad ang mga lihim nila noong nabubuhay pa sila.

Sa panahon pa naman ngayon ng social media, malaki ang peligro na malantad ang personal na buhay ng sino man kung hindi magiging maingat. Nawawalan sila ng privacy. Napag-uusapan. Kumakalat ang mga positibo at negatibong komentaryo hinggil sa pribado nilang buhay tulad ng sa pamilya, karelasyon, pag-aaral, trabaho, kabuhayan, ugali, hilig, bisyo, karera, personal na mga aktibidad at iba pa.

Tampulan sila ng mga meme, fake post, fake news, basher, batikos, panghihiya, pangangaral, kantiyawan at pang-aasar. Nagpapatindi rito ang mga ipinoposteng litrato at video na may kaugnayan sa isyung kinasasangkutan ng sino mang napag-uusapan sa social media. Nagiging viral na ang anumang usapin sa personal nilang buhay. Nawawalan ka ng katahimikan at kapayapaan sa isip at kalooban.

Mahirap masabi kung paano ito mapipigilan kung mapipigilan nga pero, kahit mapahinto, kumalat na ito at lumikha ng impresyon sa publiko. Kung pagbabatayan ang karanasan ng ilang mga kilalang personalidad na napananatili ang kanilang privacy, mukhang nakatutulong ang pananahimik!

-oooooo-

Email: [email protected]

PRIVACY

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with