Text scam‘di naman naglaho!
Hindi kumbinsido ang inyong ka-Responde na naglaho na ang text scam mula nang ipag-utos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pag-ban sa POGO sa bansa.
Para namang hindi ito ramdam kung saan may mga bagong modus pa nga ngayon ang mga kawatan.
Kung dati-rati’y paalok-alok lang ang mga ito ng kung anu-ano, ngayon nagpapakilala na silang mga taga-bangko.
Kaya nga kung hindi magsusuri at mag-iingat malamang ay mahulog sa ganitong bitag ng sindikato.
Minsan may magte-text sa inyo na sinisingil kayo sa inaplayan ninyong card sa kanilang bangko kahit wala naman.
Kukulitin kayo n’yan at dahil nga sa kakulitan yung iba napipilitang sagutin o replayan.
Wala kayong kamalay-malay nahulog na kayo sa kanilang bitag kung saan pwede na nilang mabuksan ang inyong mga personal info.
Kayang-kaya nilang gawin ang ganyan, napag-aralan na yan ng mga kawatan.
Minsan may halo pang pananakot ang mga yan, na dadalhin nila sa legal na pag-aksyon at maaaring ma-blacklist umano ang biktima sa mga susunod nitong transakyon.
Mas makabubuti na ‘wag na replayan ang mga ganitong uri ng text lalo na nga’t wala naman kayong inaplayan na loan o card sa naturang bangko.
Mas lalo na kung wala naman kayong account sa bangko na ipinakikilala ng mga ito.
- Latest