Ang hindi dapat halikan
ANONG parte ng katawan ng sanggol ang hindi dapat halikan? Taynga, ayon sa propesor ng audiology, Dr. Levi Reiter ng Hofstra University, Hempstead, New York.
Marami ang hindi nakaaalam na malaki ang tsansang mabingi ang sanggol o matanda, kung siya ay hahalikan sa tapat mismo ng butas ng taynga. Hindi sinasadyang nahihigop ng bibig ang loob ng taynga na nagiging sanhi para mabasag ang eardrum.
Ang tawag sa pagkabasag ng eardrum ay “cochlear ear-kiss injury.” Hindi lang permanenteng pagkabingi ang idudulot ng paghalik kundi mga problema sa loob ng taynga: ringing, sensitivity to sound, distortion at aural fullness.
Nagsimulang pag-aralan ni Dr. Reiter ang nabanggit na phenomenon nang isang babaing nabingi ang isang taynga ang nagpagamot sa kanya. Bigla raw nawala ang pandinig niya sa isang taynga simula noong hinalikan siya rito ng kanyang limang taong gulang na apo.
Mas lalong delikadong halikan ang taynga ng sanggol dahil maliit ang kanilang ear canal. Malalaman mong nasaktan sila kung pagkatapos na halikan ay iiyak ito nang malakas.
Ang 82-anyos na jazz producer na si Joe Fields ng Long Island, New York ay permanenteng nabingi matapos siyang halikan ng kanyang apo sa taynga. Kuwento niya, para siyang direktang tinamaan ng matigas na bola sa taynga.
Ngayon ay sari-saring problema sa taynga ang kanyang nararanasan: May umuugong sa kanyang taynga; may pakiramdam siya na tila may nakapasak na kung ano sa loob ng kanya taynga kaya wala siyang marinig; nangangati pero hindi niya makamot dahil sa ilalim nanggagaling ang kati. Gumagamit siya ngayon ng hearing aid.
Sa kasalukuyan, wala pang natutuklasang treatment para sa “cochlear ear-kiss injury.”
- Latest