Maid of Honor (202)
“Kailan ba ang birthday ni Itay Nado, Inah?’’ tanong ni Rocky habang ibinababa ang mga pinamili nila mula sa SUV. Nakatayo si Inah at pinagmamasdan si Rocky.
“Sa Sabado. Pero huwag mong sasabihin sa kanya dahil sorpresa. Ngayon lang kasi magbibirthday si Itay na medyo bongga. Ayaw kasi niya na ipinaghahanda ang birthday dahil gastos lang daw.’’
“Ah okey. Isosorpresa pala natin siya.’’
“Oo, Kuya.’’
“E sino naman ang mga imbitado?’’
“Tayo-tayo lang—mga staff ng resort, ilang kamag-anak at kaibigan ni Itay. Ookupahin natin ang ilang cottages at dun natin sosorpresahin si Itay.’’
“Ang saya siguro. First time kong makakaranas ng birthday na gaganapin sa aplaya.’’
“Oo nga Kuya. Tiyak na mag-e-enjoy si Itay. Kaya nga gusto ko, masasarap ang luto na ihahanda. Gusto kong bumawi dahil noon e naging matigas ang ulo ko. Gusto kong ipakita kay Itay at Inay na nagsisisi na ako sa mga nagawang kamalian at hindi pagsunod sa kanila.’’
“Naipakita mo naman di ba? Ikaw nga ang nag-aasikaso sa itay at inay mo. Ipinagpagawa mo sila nang magandang bahay, laging napapagkalooban nang maayos na pagkain, gamot at iba pa. Palagay ko, nakabawi ka na sa mga nagawa mong kamalian—baka nga sobra-sobra pa dahil maganda na ang takbo ng buhay n’yo ngayon. Lahat nang iyon ay dahil sa pagsisikap mo. Kaya, huwag mo nang laging sinisisi ang sarili mo, Inah.’’
“Oo Kuya. Salamat sa paalala.’’
“Siyanga pala, pakisabi kay Itay Nado na huwag niyang ikukuwento kay Yana na narito ako sa resort mo. Nalimutan kong sabihin sa kanya nang mag-usap kami. Baka tumawag si Yana at batiin ng happy birthday si Itay Nado e bigla akong ikuwento.’’
“Sige Kuya, sasabihin ko kay Itay.’’
“Bukas ba may lakad tayo?’’
“Wala Kuya. Pero samahan mo akong mamasyal sa tabing dagat bukas ng umaga. Nasanay na akong naglalakad kapag sumisikat ang araw.’’
“Okey sige. Bukas ng umaga, sasamahan kita.’’
(Itutuloy)
- Latest