Demotion na may kasamang bawas sa sahod, puwede ba?
Dear Attorney,
Kapag po ba na-demote sa posisyon, puwede bang bumaba ang current na sinasahod ng empleyado? —Liza
Dear Liza,
Oo, maaring bumaba ang sahod ng empleyado bilang isa sa mga epekto ng kanyang demotion.
Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Virginia D. Bautista v. Civil Service Commission and Development Bank of the Philippines (G.R. No. 185215, July 22, 2010), ang demotion ay ang tawag sa isang sitwasyon kung saan ang empleyado ay itinalaga sa isang posisyon na nagreresulta sa pagkabawas sa kanyang tungkulin, responsibilidad, o ranggo, at maaring may kaakibat rin ito na kabawasan sa kanyang sinasahod.
Pinapayagan ang demotion ng empleyado bilang bahagi ng “management prerogative” ng employer o iyong kalayaan ng employer na magdesisyon sa lahat ng aspeto ng negosyo para mapangalagaan ang kapakanan nito [Rubberworld (Phil.), Inc. v. National Labor Relations Commission, 175 SCRA 450, 456 (1989)].
Katulad ng ibang paraan ng pagdidisplina sa mga empleyado, kailangang magkaroon ng notice at hearing bago makapag-desisyon ang employer na i-demote ang isang empleyado.
Dahil naapektuhan ng demotion ang status ng employment ng isang empleyado, kailangan siyang mabigyan ng pagkakataon na makapagpaliwanag at maipagtanggol ang sarili upang maging valid o maging naaayon sa batas ang ginawang demotion (Jarcia Machine Shop and Auto Supply, Inc. v. NLRC, GR No. 118045, January 2, 1997).
- Latest