^

Punto Mo

Ipagbawal ang lahat ng sugal

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

TINALO ng Pilipinas ang lahat ng bansa sa Asya sa dami ng casino. Dahil dito, ayon sa finance website na Insider Monkey, ang Pilipinas na ngayon ang itinuturing na sentro ng sugal sa Asya. Ginamit ng Insider Monkey ang data base ng World Casino Directory na nag-ulat na may 76 casino at 66 casino hotel sa Pilipinas para sa kabuoang 142 pasugalan. Malayo ang Cambodia na pumapangalawa sa bilang na 125.

Sa buong mundo, nananatili ang Las Vegas City sa Nevada, US, bilang pinakamalaking gambling city.  Ang Maynila ay nasa ika-13 puwesto na. Maaaring hindi magtatagal ay aakyat ito sa top 10. Noong nakaraang taon, ayon sa ulat, kumita ng 1.24 bilyong dolyar ang mga casino dito sa atin.

Ang sugal ay bahagi na ng lipunang Pilipino. Mayroon bang barangay sa Pilipinas na walang jueteng at sabong? Isama pa d’yan ang masiao, sakla, mahjong, kara y cruz, tong-its, karera ng kabayo, at iba’t ibang uri ng karera. Naalala ko, lumaki ako sa Tondo, lahat ay nagagawang sugal: karera ng mga laruang bangka sa kanal kapag umuulan, labanan ng gagamba at salagubang, tantsing, jolens, turumpo, at kung anu-ano pa.

Noong 1976, itinatag ang PAGCOR upang kontrolin ang sugal sa Pilipinas. Mula noon, napasailalim na ng gobyerno ang industriya ng ligal na sugal sa Pilipinas. Samantalang ang mga ilegal na sugal na tinatangkilik ng mas maraming mamamayan ay karaniwang hinahawakan ng pulitiko, opisyal ng gobyerno, militar, pulis, maton.

Simula noong 2000 dahil sa internet, naglitawan ang mga online gambling na tulad ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) para sa mga dayuhang manunugal na karamihan ay mga Chinese. Dahil sa sugal, may mga kumikita, pero mas maraming nababangkarote. Maraming buhay at pamilya ang nawawasak dahil sa sugal na ang sigurado lang kikita ay ang may pasugalan.

Napakalaki ng tinatawag na social cost ng sugal, winawasak nito ang pagkatao ng isang tao at ang moralidad ng lipunan. Karaniwan, kapag may sugalan ay may inuman, ilegal na droga, prostitusyon at awayan na kung minsan ay nauuwi sa patayan.

Ang Pilipinas ang natatanging Kristiyanong bansa sa Asya, pero siyang nangunguna ngayon sa dami ng pasugalan. Magkasalungat ang sugal at Kristiyanismo. Bakit nagkaganito? Bigo ba ang simbahan sa mga pangaral nito sa kanyang mga tagasunod? May impluwensiya pa ba ang simbahan sa buhay moralidad ng mga kaanib nito?

Ganito ang sinasabi sa 1 Timoteo 6:10, “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan.  Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.” Ang hangad ng nagsusugal ay ang dagliang pagyaman. Sa kanyang pagkapanalo, may natalo, at nakuha niya ang pera ng natalo na maaaring lubos ding nangangailangan. Kasakiman ang pinakaugat na motibasyon ng sugal.

Hindi lamang ang POGO ang dapat ipagbawal sa Pilipinas. Dapat na ring ipagbawal ang lahat ng sugal, ligal man o iligal. Isa sa dapat na itinuturo ng eskwelahan, simbahan at pamilya ay ang kasagraduhan ng paggawa.

Ang perang kinita na bunga ng sariling pawis ay nakapagpapataas ng dignidad at tiwala ng tao sa kanyang sarili. Ito’y perang iniingatan at pinag-iisipang mabuti bago gastusin. Samantalang ang perang nakuha sa sugal ay walang dangal, madaling gastusin at maaaring mawalang parang bula.   

SUGAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with