Demand letter, kailangan bang ipanotaryo at gawa ng abogado?
Dear Attorney,
Dapat po bang ipanotaryo ang demand letter after itong matanggap ng pagbibigyan? Kailangan din po ba na abogado ang gumawa ng demand letter? Ano po ang mangyayari kapag hindi pinansin ang demand letter? —Tess
Dear Tess,
Hindi kailangang notaryado ang demand letter. Hindi rin kailangan na abogado ang gumawa nito. Ang mahalaga ay nakasaad sa demand letter ang sinisingil na halaga, kabilang na ang interest at penalties, kung mayroon man, at ang due date o ang petsa kung kailan dapat bayaran ang nasabing halaga.
Bukod sa nilalaman nito, ang isa pang mahalagang kailangang tandaan pagdating sa demand letter ay dapat na siguraduhin na matatanggap ito ng mismong sinisingil. Kung wala kasing pruweba na natanggap ng sinisingil ang liham ay maaring ma-dismiss ang kasong isasampa laban sa kanya. Depende sa mga probisyon ng kontrata o ng napagkasunduan, kapag hindi pa kasi nasisingil ang isang may utang ay puwedeng ikatwiran na wala pa siyang sala sa hindi niya pagbabayad kaya maaring sabihin na wala pang “cause of action” o dahilan para magdemanda.
Ang mga posibleng kahihinatnan ng pagbalewala sa demand letter ay maari rin ilagay sa liham upang malinaw na sa sinisingil ang mga maaring mangyari kung hindi niya pansinin ito. Kabilang na rito ang banta ng pagsasampa ng kaso kung hindi pa magbayad ang sinisingil.
Ang lahat ng ito ay mahalaga upang maipakita sa korte, sakaling matuloy ang pagsasampa ng kaso, na nasingil nang maayos ang may utang, na alam niya ang puwedeng mangyari kung sakaling ipagwalang-bahala niya ang paniningil, at nabigyan siya ng sapat na pagkakataon para makapagbayad bago humantong ang lahat sa demandahan.
- Latest