EDITORYAL - Mga estudyanteng Pinoy, mababa ang performance
MABABA ang performance ng mga Pilipinong estudyante na edad 15 sa creative thinking kumpara sa mga estudyante sa ibang bansa. Sa 2022 cycle ng Programme for International Student Assessment (PISA), ang Pilipinas ay nasa ika-60 puwesto sa may 62 mga bansa na sumali sa assessment. Sa nasabing programa, sinusukat ang paggawa, pagsusuri at paglikha ng mga orihinal na ideya na isasalin sa mga epektibong solusyon. Ayon sa PISA, ang mga estudyante sa Pilipinas ay kabilang sa may pinakamababang performance sa creative thinking.
Nakadidismaya rin ang kahinaan ng mga estudyanteng Pilipino sa larangan ng Math, Science at Reading Comprehension kumpara sa mga estudyante sa ibang bansa. Sa 2022 PISA, ang mga estudyanteng Pilipino ay nakakuha lamang ng 355 points sa math, 356 sa science at 347 sa reading. Para makapasa, kailangang ang score ay: 472 sa math; 485 sa science at 476 sa reading. Masyadong mababa ang nakuha ng mga Pilipinong estudyante kumpara sa mga estudyante ng Singapore, Hong Kong, Japan, Korea, Macao, Ireland, Estonia, at Chinese Taipei na mataas ang nakuhang puntos.
Kamakailan, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA), na 11-milyong kabataan ang hindi pumapasok sa eskuwelahan o nag-aaral. Ayon sa PSA, 51.4 percent ng hindi pumapasok sa paaralan ay kalalakihan, habang ang natitirang 48.6 percent ay mga kababaihan.
Sa isang report, maraming Grade 2 students ang hindi marunong sumulat at bumasa. Dumami umano ang mga batang “no read, no write” habang may pandemya at naging online ang mode ng pagtuturo. Marami umano sa mga hindi makabasa at makasulat ay walang access sa online teaching. Wala silang computer, tablet at iba pang gadget. Hindi naman sila magabayan ng kanilang nmga magulang na abala sa paghahanapbuhay.
Nakababahala ang mababang performance ng mga estudyanteng Pinoy. Kung hindi mag-iimproved, mapag-iiwanan pang lalo ng mga estudyante sa karatig bansa. Ang Department of Education (DepEd) ay nararapat kumilos para maging competitive ang mga estudyante. Kailangang magkaroon ng pagbabago at mapaunlad ang kaalaman ng mga bata. Magkaroon ng mga bagong estratehiya na magagawa naman sapagkat may malaking budget ang DepEd. Hindi dapat mapag-iwanan ang mga kabataang Pinoy sa paglinang ng kaalaman.
- Latest