Hindi ginagawa ng NTC ang trabaho
MALAKI ang pagkukulang ng National Telecommunications Commission (NTC) na maipatupad ang mga probisyon sa SIM Registration Law kaya sinasamantala ng mga scammers ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Sa kasalukuyan, talamak ang online scam, crypto currency scam, love scam at investment scam. Lahat ito nagagawa ng illegal POGOs gamit ang mga SIM cards at hindi naman namo-monitor ng NTC. Nakapagtataka na isang taon na ang nakalilipas mula nang ipatupad ang mandatory registration ng SIM cards subalit marami pa rin ang nakakapandaya o nakapanlilinlang sa pamamagitan ng telepono at pinakatalamak ang POGOs.
Sa sinalakay na POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, natambad ang maraming cell phones, SIM cards at iba pang mga gadgets na pinaniniwalaang gamit sa iba’t ibang scam.
Pinakamarami ang nakumpiska sa Porac na ayon sa PAOCC ay matagal nang ginagawa ang mga pang-i-scam. Nasa 46 ang buildings sa Porac at bawat POGO hubs ay mga sophisticated ang gamit. Hindi lamang online gaming kundi pati prostitution ay nasa POGO hubs sa Porac.
Ang kabiguan ng NTC ay binatikos ni Sen. Win Gatchalian. Hindi raw sana hahantong sa ganitong kalalang problema kung ipinatutupad ng NTC ang mga probisyon ng SIM registration law. Ayon kay Gatchalian, dapat gawin ng NTC ang trabaho nito at tiyakin ang epektibong pagpapatupad ng SIM registration law. Ang layunin aniya ng batas na ito ay magbigay ng pananagutan para sa mga gumagamit ng mga SIM card at suportahan ang pagpapatupad ng batas sa pagsubaybay sa mga krimen na ginagawa sa pamamagitan ng telepono. Nakalimutan na ng NTC ang kanilang responsibilidad kaya patuloy ang mga scammer sa POGO.
Nararapat na gumawa ng hakbang ang NTC kung paano mapipigilan ang mga illegal POGOs sa paggamit ng SIM card. Nakapagtataka rin naman kung paano nagkaroon ng bulto-bultong SIM cards ang mga sinalakay na POGO sa Bamban at Porac. Saan galing ang mga ito na parang namakyaw ng SIM cards na ginagamit sa scam.
Kung patuloy na nangyayari ito, balewala ang Republic Act No. 11934 (SIM Card Registration Act) na ang layunin ay maalis ang mga scam na ginagawa sa pamamagitan ng text o online messages. Mula nang ipatupad ang batas noong Oktubre 10, 2022, tumaas nang malaki ang kaso ng scam gamit ang telepono.
Anyare, NTC? Gawin naman ang trabaho n’yo!
- Latest