Maid of Honor (153)
Nag-enrol si Yana sa kursong nursing aide sa school na malapit sa kanilang tirahan. Binayaran lahat nina Honor ang tuition sa buong semester. Sabi ni Bianca, mas maganda kung fully paid para siguradong tuluy-tuloy ang pagpasok ni Yana.
Lahat nang kailangan ni Yana ay binili lahat ng mag-asawa. Pati mga uniporme ay kumpleto. Halos mangiyak-ngiyak si Yana sa ginawa ng mag-asawa. Talagang sinuportahan siya ng mga ito.
Mula alas otso ng umaga hanggang alas onse ng tanghali ang klase ni Yana. Maagang gumigising si Yana at ginagampanan ang mga trabaho. Naglalaba, nagluluto at naglilinis ng bahay. Bago mag-alas sais ng umaga, tapos na siya sa mga gawain. Ang paghahanda naman sa pagpasok sa school ang ginagawa niya. Kakain at maliligo ng alas siyete at pagsapit ng 7:30 ay aalis na siya para pumasok. Dahil malapit lang ang school, nagagawa pa niyang mag-aral sa library ng 15 minutes. Pag-bell ng 8:00, ay papasok na siya sa classroom.
Pagsapit ng alas onse, tapos na ang klase at uuwi na siya. Magluluto siya ng tanghalian. Eksaktong 12:30 p.m. ay kakain na sila ng lunch.
Pero sabi sa kanya ni Bianca minsan. Huwag daw magmadali sa pag-uwi si Yana at puwede namang siya ang magluto. Pero sabi ni Yana, kaya naman niya. Madali lang namang magluto.
Sa umaga habang papasok si Yana ay naiisip niya ang kabutihan nina Honor at Bianca. Mahirap nang makakita ng ganitong mga amo. Madalas siyang makabalita na may mga amo na minamaltrato ang kasambahay. Mayroon pang ginagahasa ng among lalaki.
Kaya naipangako ni Yana na pagbubutihin ang pag-aaral. Hindi niya bibiguin sina Kuya Honor at Ate Bianca.
Pinagbuti nga ni Yana ang pag-aaral kaya matataas ang grades niya. Pinakita niya ito sa mag-asawa. Tuwang-tuwa ang dalawa. Hindi sila nagkamali kay Yana.
(Itutuloy)
- Latest