Malaya o alipin?
SA Hunyo 12 ay gugunitain natin ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas mula sa 400 taong pananakop ng Spain. Aalalahanin natin ang kabayanihan ng magigiting na Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay dahil sa pagmamahal sa bayan. Dahil sa kanila, tinatamasa natin ngayon ang biyaya ng kalayaan at kasarinlan.
Hindi nahuhuli ang Pilipinas sa mga kapitbahay nitong bansa sa Asya, tulad ng China, Japan, Korea, Singapore, Malaysia, Indonesia, Thailand, Vietnam, at India, sa punto ng likas na yaman at galing ng mga mamamayan nito. Ang totoo, noong 1960’s, pangalawa na tayo sa Japan sa larangan ng kaunlaran. Kinaiinggitan tayo noon ng ating mga kapitbahay sa Asya, at marami sa kanilang mga lider ay dito sa atin nag-aaral.
May mga pagtaya noon na sa kalaunan ay tatalunin ng Pilipinas ang Japan. Ngunit hinagpis ng mga hinagpis, ngayon ay kulelat na tayo sa Asya, sa halos lahat ng larangan—ekonomiya, transportasyon, komunikasyon, edukasyon, kalusugan, epektibong pamamahala, at marami pang iba. Saan na lang tayo nangunguna? Sa katiwalian, sa polusyon, sa trapiko, at marami pang hindi magagandang bagay.
Ano ang nangyari? Dumami ba ang likas na yaman ng ating mga kapitbahay? Mas dumunong na ba sila kaysa atin? Hindi! Ang sagot, dahil wala sa atin ang nasa kanila na siyang pinakamahalagang sangkap sa pag-unlad ng isang bansa—ang nasyonalismo, ang marubdob na pagmamahal sa bayan. Ang bayanihan o pagtutulungan at pagmamalasakitan na walang hinihintay na kabayaran ay nakikita na lamang sa mga litrato at painting. Noon, ang natural na tanong ng mga taong-gobyerno ay ito, ano ang magagawa kong tulong? Ngayon ay ito, magkano ang kikitain ko d’yan?
Masyado ang naging kapit sa atin ng materyalismo, na ginawa na nating pinakamataas na sukatan ng tagumpay. Bumagsak ang pamantayan natin ng moralidad—hindi baleng tiwali, basta mapera. Hindi baleng bumagsak ang pamilya, basta kumikita ng dolyares. Hindi baleng busabos, basta hindi naghihikahos. Kung pamimiliin sa pagitan ng dangal at pera, kaagad ay pipiliin ng marami ang pera.
Hindi natin masisisi ang milyung-milyong Pilipino na piniling magtrabaho’t manirahan sa ibang bansa, sapagkat wala silang nakikitang magandang kinabukasan sa Pilipinas. Hindi natin masisisi ang ating mga kabataan kung ang kanilang pangarap kapag nakatapos na ay ang mangibang-bansa. May kurot sa aking puso sa tuwing makakakita ako ng mga Pilipino na tuwang-tuwa kapag nabago ang kanilang pagkamamayan at naging U.S. citizen, o Canadian citizen, o Australian citizen. Para sa kanila, ito’y isang uri ng makabuluhang paglaya.
Nawala na sa atin ang malalim na konsepto ng hiya. Noon, nahihiya tayong mapagsabihang sinungaling. Ngayon, ang kasinungalingan ay nagsisimula sa may pinakamatataas na katungkulan sa gobyerno, negosyo, at maging sa simbahan. Noon, nahihiya tayong gumawa ng masama, may nakakakita man o wala. Ngayon, nahihiya lang tayong gumawa ng masama kung may nakakakita. Marami ang ni hindi na nahihiya sa sarili. Kaya, tayo ang bansang nawawala sa sarili.
Lumaya tayo sa pananakop ng Spain noong 1898. Ngunit nananatili tayong alipin ng pagkamakasarili, at ng kawalang-pagmamahal at pagmamalasakit sa bansa. Ang problema natin ay tayo mismo. Hangga’t ang Araw ng Kalayaan ay isa lamang paggunita sa kabayanihan ng nakaraan, at hindi pagdiriwang sa kabayanihan ng kasalukuyan, mananatili tayong alipin, sa halip na malaya; kulelat, sa halip na nangunguna.
- Latest