EDITORYAL – Umaariba ang cholera
ANG cholera ay nakukuha dahil sa pag-inom ng tubig na nakukuha sa balon, bukal at ilog na kontaminado ng dumi ng tao at hayop. Dahilan din ang maruming kapaligiran at kawalan ng kubeta sa komunidad. Namamalagi ang bacteria sa maliit na bituka dahilan para ang biktima ay magkaroon ng diarrhea hanggang maubusan ng electrolytes at magiging sanhi ng kamatayan.
Mula Enero hanggang Marso 2024, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng 773 kaso ng cholera at mayroon nang 1 namatay. Ayon sa DOH, pinakamarami ang kaso ng cholera sa Eastern Visayas na may 702, sinundan ng Bicol, 39 at Cordilleras, walo. Apat naman ang mga naitalang kaso ng cholera sa Northern Mindanao at Caraga at dalawa sa Calabarzon.
Noong nakaraang taon, nakapagtala ng 1,248 kaso ng cholera. Pinakamaraming kaso sa Eastern Visayas, Davao at Caraga Region. Labintatlo ang naitalang namatay dahil sa cholera at karamihan umano ay mga bata.
Ayon naman sa Global Cholera and AWD Dashboard of the World Health Organization, isa ang Pilipinas sa 30 bansa sa mundo na may naiulat na cholera noong nakaraang taon.
Malaki ang kaugnayan nang walang malinis na inuming tubig sa pagkalat ng Cholera sa bansa. Ayon sa report, 40 milyong Pilipino ang walang malinis na inuming tubig. Sabi ng isang opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), karamihan sa mga Pinoy ay umiigib ng inuming tubig sa bukal, sapa at sumasahod ng tubig-ulan. Karamihan sa kanila ay mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Ayon pa sa opisyal, wala ring kubeta ang karamihan sa mga Pilipino. Isa sa mga naiisip nilang paraan para mabigyan ng malinis na tubig ang mamamayan ay ang desalination process kung saan ang tubig mula sa dagat ay mako-convert sa fresh water.
Ngayong nalalapit na ang tag-ulan, pinangangambahan ang pagdami pa ng kaso ng cholera. Ayon sa DOH, mayroong bakuna laban sa cholera subalit may shortage dito. Ipinapayo ng DOH sa mamamayan ang regular na paghuhugas ng kamay lalo na kung matapos dumumi, kalinisan sa katawan at pakuluan ang inuming tubig.
Problema ang malinis na inuming tubig at sana iprayoridad ng pamahalaan ang pagkakaloob ng malinis na inuming tubig sa mamamayan. Iligtas sila sa cholera at iba pang nakamamatay na sakit.
- Latest