^

Punto Mo

EDITORYAL - ‘Road rage’

Pang-masa
EDITORYAL - âRoad rageâ

Isa na namang buhay ang nasayang dahil sa “road rage”. Dahil sa silakbo ng galit na ibinunga ng gitgitan ng sasakyan at hindi pagbibigayan sa kalye, mayroon na namang namatay. Kung nakapag-isip muna sana ang nagpaputok ng baril, hindi siya sising alipin ngayon. Hindi na maibabalik ang nangyari.

Noong Martes ng hapon, nagkagitgitan ang mga sasakyan nina Gerard Raymund Yu, isang negosyante at Aniceto Mateo, 65, family driver habang naglalakbay sa Ayala tunnel Makati sa EDSA, dakong 2:30 p.m. Minamaneho ni Yu ang itim na Mercedes-Benz samantalang si Mateo ay isang puting Toyota Innova at may dalawang pasahero—isang housemaid at batang lalaki.

Ayon sa housemaid na kasama ni Mateo, nagkagitgitan ang mga ito habang naglalakbay sa Kalayaan Avenue. Pagdating sa Ayala tunnel, binaril ni Yu ang sasakyan ni Mateo sa hulihang bahagi. Lumusot ang bala at tinamaan si Mateo sa kanang balikat na lumusot sa leeg. Nakita sa CCTV na naghiwalay ang dalawang sasakyan nang papalabas na ng tunnel. Nagtuluy-tuloy pa sa pagtakbo ang Innova hanggang huminto sa gitna ng kalye. Humingi ng tulong ang kasamang maid sa dalawang motorcycle rider at saka nalaman na may tama ng bala si Mateo. Isinugod ito sa ospital pero namatay din.

Naaresto si Yu sa bahay nito sa Pasig City nang sumunod na araw. Narekober sa kanya ang baril na ginamit. Nag-match dito ang basyo ng bala na ginamit. Nagpositibo rin siya sa gunpowder. Nakita rin ang Mercedes-Benz niya na pinalitan ng plaka. Sinampahan na ng kaso si Yu.

Hindi ito ang unang road rage na humantong sa pagpatay. Noong Hulyo 2016, binaril at napatay ang isang siklista sa P. Casal St., Quiapo, Maynila dahil din sa gitgitan. Nagkagitgitan ang may-ari ng kotse at siklista na humantong sa suntukan. Natalo sa suntukan ang may-ari ng kotse. Para makaganti, kinuha nito ang baril sa kotse at binaril sa ulo ang siklista na namatay noon din. Nakilala ang biktima na si Mark Vincent Geralde samantalang ang gunman ay si Vhon Martin Tanto. Tumakas siya pero naaresto rin at nilitis. Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo.

Noong Agosto 8, 2023, isang nadismis na pulis na nakilalang si Wilfredo Gonzales ang nakunan ng video na binatukan at kinasahan ng baril ang isang siklistang nakagitgitan niya sa Quezon Avenue, Quezon City. Nagkaaregluhan ang pulis at siklista.

Dumarami na naman ang insidente ng road rage. Dapat maghigpit ang PNP sa mga sibilyan sa pagmamay-ari ng baril. Idaan sa masusing pag-iimbestiga ang aplikante bago isyuhan ng lisensiya. Mapanganib kapag nasangkot sa road rage ang naisyuhan ng baril. Madugo at karumal-dumal ang resulta.

CCTV

GERALD

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with