‘Niyog’ (Part 1)
NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay nasa high school sa probinsiya. Noon ay 1972. Ang pinagkakakitaan sa aming probinsiya ay ang pagkokopras. Malawak ang aming taniman ng niyog na sa tantiya ko ay mga sampung ektarya. Namana iyon ng aking ama sa kanyang mga magulang.
Laging sinasabi ng aking ama sa aming magkakapatid, lima kami na pawang lalaki na ang lupang iyon ay pagyayamanin namin sapagkat iyon lamang ang makakatulong sa aming pag-aaral.
Sabi ng aking ama, pupunuin namin ng niyog ang sampung ektaryang lupain. Wala kaming ibang itatanim kundi niyog. Mas marami raw pakinabang sa niyog kaysa iba pang tanim. Ang niyog daw mula sa katawan, bunga at dahon ay pinakikinabangan. Tinawag ng aking ama ang niyog na “puno ng buhay”.
Pero para sa akin, malaking kalokohan na pawang niyog ang itanim sa sampung ektaryang lupa. Puwede namang taniman ng saging at iba pa.
Pero dahil wala akong karapatang sumuway, nanahimik na lamang ako. Pero sa totoo lang, ayaw kong magtanim ng niyog.
Tuwing Sabado at Linggo na walang pasok, nagtatanim kaming magkakapatid ng niyog. Mahirap magtanim ng niyog. Kabagut-bagot.
Mabigat para sa akin na magtanim nang magtanim ng niyog. Naiinis ako! (Itutuloy)
- Latest