Anyare sa SAF?
DAPAT na talagang suspindihin ang operasyon ng Philippine Offshore ang Gaming Operator (POGO) sa bansa dahil pati serbisyo ng Special Action Forces (SAF) ng Philippine National Police (PNP) ay nakukuha ng online gambling firm. Sa halip na ang bantayan ng SAF ay ang mga terorista at masasamang loob, ang dayuhang opisyal ng POGO ang kanilang inieskortan at sinisiguro ang kaligtasan. Sinusuwelduhan umano ng P40,000 bawat isa ang SAF na nagbabantay sa POGO official. Katakam-takam pala ang suweldo kaya tatanggapin talaga na mag-escort.
Nabuking ang pag-eskort ng dalawang SAF commandos sa POGO official nang lumikha ng gulo sa Ayala-Alabang ang mga ito. Nagsuntukan umano. Nakilala ang dalawang SAF commandos na sina Cpl. George Mabuti at Pat. Roger Valdez. Ang nakaka-shock pa rito, sina Mabuti at Valdez ay pawang nakadestino sa Mindanao. Bakit narito sila sa Metro Manila? Ba’t ang layo ng narating nila? Mukhang may dapat ipaliwanag ang mga superior nina Mabuti at Valdez. Hindi pangkaraniwan ang pinasok na trabaho ng dalawang SAF commandos.
Ang pangyayaring ito ay malaking hamon naman kay PNP chief Gen. Rommel Marbil. Imbestigahan niya ang iba pang miyembro ng SAF at baka nagbibigay din ng security at serbisyo ang mga ito sa iba pang POGO officials. Maaaring ngayon lang nabuking ang pag-eeskort pero ang totoo, matagal nang nagsisilbi ang SAF commandos sa POGO officials na pawang mga Chinese. Ang P40,000 na suweldo ay katakam-takam at hindi matatanggihan. Posible rin naman na ang mga superior ng SAF ay may “cut”. Siyempre kailangan din silang kumita.
Mabalik ako sa patuloy na pamamayagpag ng POGO sa bansa. Wala sanang magiging problema kung ihihinto na ang operasyon ng online gambling firm na ito. Hindi naman lingid na sangkot ang POGOs sa online scam, human trafficking at iba pang krimen. Hindi ito nag-aangat sa ekonomiya ng bansa dahil hindi nagbabayad ng tax.
Pero bingi ang pamahalaan sa panawagan na itigil o buwagin ang POGOs. Imagine, lumikha pa ang PAGCOR ng bagong pangalan ng POGO para maitago ang tunay na kulay nito.
Anyare sa PAGCOR?
- Latest