Maari bang tanggihan ang promotion?
Dear Attorney,
Puwede bang parusahan ang empleyadong tumanggi sa alok na promotion? — Ben
Dear Ben,
Ang promotion, ayon sa Coca-Cola Bottlers Philippines, Inc. v. Del Villar (G.R. No. 163091, 6 October 2010), ay ang pagsulong papunta sa isang panibagong posisyon na may mas malawak na mga responsibilidad kaysa sa dati. Mahalaga ring idagdag na hindi kailangang may kasamang pagtaas sa sahod para masabing promotion ang iniaalok sa empleyado; ang mahalaga ay may mga pagbabago sa tungkulin ng empleyado [NAFLU vs. NLRC (G.R. No. 90739, 3 October 1991)].
Ayon pa sa isang kasong dinesisyunan ng Korte Suprema, ang promotion ay maihahalintulad sa isang regalo o pabuya kaya may karapatan ang empleyado na tanggihan ito kung ayaw niyang ma-promote mula sa kanyang kasalukuyang posisyon [Echo 2000 Commercial Corp. v. Obrero Filipino-Echo 2000 Chapter-CLO (G.R. No. 214092, 11 January 2016)].
Dahil may karapatan ang isang empleyado na tumanggi sa promosyon, hindi dapat ito ituring na insubordination o pagsuway sa utos ng employer na maaring maging basehan ng displinary action o parusa.
- Latest