‘Hikaw’
(Unang bahagi)
Mahilig ako sa magagandang hikaw. Kapag nakakakita ako ng kapwa babae na may suot na magandang hikaw ay inggit na inggit ako. Gusto ko ring magkaroon ng ganung hikaw. Bata pa lamang ako ay naaakit na ako sa hikaw.
Natatandaan ko, nasa elementarya pa lamang ako ay gusto ko nang magsuot ng hikaw. Kaya humiling ako kay Mama na ibili niya ako ng hikaw. Talagang gustung-gusto ko na magkahikaw. Pero sabi ni Mama, delikadong magsuot ng hikaw dahil maraming “namimitas ng hikaw”. Hindi ko gaanong maintindihan ang “namimitas ng hikaw”. Yun pala ay mga magnanakaw ng hikaw.
Pero nagpumilit ako kay Mama na ibili niya ako kahit mumurahing hikaw. Umiyak pa ako para maawa siya. Hanggang sa pumayag si Mama at ibinili ako ng mumurahing hikaw. Pinagmalaki ko sa aking mga kaklase ang hikaw. Tuwang-tuwa ako sapagkat nasunod ang kagustuhan kong makapagsuot ng hikaw.
Maski nang makapag-asawa ako, dala-dala ko pa rin ang pagkahilig sa hikaw. At lalo na akong nabighani sa hikaw nang maging OFW ang mister ko. Isa siyang engineer sa Aramco noon.
Nang umalis siya noon patungong Saudi, ang bilin ko ay ibili niya ako ng hikaw na gold.
(Itutuloy bukas)
- Latest