‘Hipo’ (Huling bahagi)
MADALAS na nagpapawis ang aking dalawang kamay noong ako 16-anyos at nasa unang taon sa kolehiyo. Ngayon ko lang nalaman na ang tawag sa pamamawis ng kamay o palad ay hyperhidrosis.
Inilihim ko sa aking mga magulang ang pamamawis ng palad. Gusto ko kasing lutasin ng sarili ko lamang ang kakaibang kondisyon. Ayaw kong bigyan sila ng alalahanin. Hindi naman malubha ang nararanasan ko.
May nagsabi sa akin na subukan ko ang nilagang dahon ng bayabas at sambong. Ibabad ko ang aking dalawang kamay ng 10 minuto. Pero walang epekto dahil patuloy ang pamamawis.
Sinubukan ko rin ang nilagang dahon ng bayabas. Ibinabad ko ng 15 minuto. Wala ring epekto.
Hanggang sa may nakapagsabi sa akin na ang paghipo sa bangkay ang epektibong paraan para mawala ang pamamawis ng palad.
Nag-isip ako. Paano ako hihipo sa bangkay? At saka nasan ang bangkay?
Bigla kong naalala na ang isa kong pinsang lalaki ay nagtatrabaho sa morgue ng isang ospital. Pinuntahan ko aking pinsan. Sinabi ko ang aking problema.
Nagtawa ang aking pinsan. “Naniniwala ka roon Pinsan? Kaya mong humipo sa patay.’’ Tumango ako. Hanggang mapapayag ko siya. “Sige pinsan, pero bilisan mo lang. Bawal kasi magpapasok ng ibang tao. Magpunta raw ako ng gabi dahil yun ang duty niya. Kinabukasan ng gabi, nagtungo ako para humipo sa bangkay. Alas onse ng gabi, pinapasok ako ng pinsan ko sa morgue. Isang kamamatay pa lamang ang nasa stretcher. Dali-dali kong hinipo ang palad ng bangkay. Nagulat ako sapagkat mainit ang palad ng bangkay. Nagmamadali akong lumabas, Takot na takot ako!
Sinabi ko sa aking pinsan na mainit pa ang palad ng bangkay. Nagtawa ang aking pinsan. Imagination ko lang daw yun.
Inobserbahan ko naman kung hindi na mamamawis ang aking palad makaraang humipo sa bangkay—wala ring epekto. Hindi ko na hinangad pang gamutin ang pamamawis ng palad. Hinayaan ko na.
- Latest