‘Balete’ (Huling bahagi)
KUNG gaano kamahal nina Tatay at Nanay ang punong balete na nasa harap ng aming bahay, sagad naman ang pagkainis ko sapagkat lubha akong napapangitan sa puno. Sa dinami-dami ng puno na maaaring itanim sa harap ng bahay, ay kung bakit ang punong balete pa ang nakursunadahang alagaan ng aking mga magulang.
Kahit sinasabi ni Tatay na bigla na lamang sumulpot ang punong balete roon at hindi naman niya itinanim, sana ay pinutol na noong maliit pa para hindi na lumaki at nakadagdag sa kapangitan ng aming bakuran.
Kinikilabutan talaga ako kapag nakikita ang balete sa tuwing durungaw ako sa bintana lalo kung kabilugan ng buwan. Naninindig ang aking balahibo na hindi ko maintindihan kapag nakikita ang maraming ugat ng balete na nakabitin. Para bang mga nakalawit na sinulid na duduyan-duyan kapag sumimoy ang hangin.
Inililihim ko kina Tatay at Nanay ang pagkasuklam ko sa balete. Maski sa aking kapatid na babae ay hindi ko sinasabi ang nararamdamang pagkainis sa balete.
Patuloy naman ang pag-aalaga nina Tatay at Nanay sa balete. Laging winawalisan ang puno at pinapausukan. Kaya lalo pang naging matikas ang balete at dumami pa ang mga ugat na nakabitin.
Tuwing Pasko, nilalagyan pa ni Tatay ng mga Christmas lights paikot. Maliwanag na maliwanag sa gabi.
Hanggang sa sumapit ang tag-ulan. Nagkataon na ako lamang ang naiwan sa bahay dahil dinalaw nina tatay at nanay ang kapatid kong nakatira sa dorm. Dinalhan ng allowance at pagkain. Kumukuha ng nursing ang sister ko.
Hanggang sa umulan nang malakas. Akala ko titigil din agad. Pero ayaw tumigil. Ibinuhos lahat. Hanggang sa malaman ko, umapaw na ang ilog na malapit sa aming bahay.
Sa isang iglap naging dagat ang kapaligiran. Ang hindi ko inaasahan ay ang pag-anod ng mga pinutol na kahoy o troso sa bundok. Rumaragasa. Hanggang dalawang troso ang bumangga sa aming bahay. Sa lakas, nawasak ang aming bahay. Tumilapon ako sa labas. Lampas tao ang tubig. Malakas ang agos. Mamamatay ako kapag walang makakapitan.
Hanggang sa mapagtuunan ko ng pansin ang kinamumuhian kong balete. Lumangoy ako patungo roon. Hanggang sa maabot ko ang sanga at doon ako kumapit para hindi tangayin ng agos. Hindi ako natangay ng agos. Nakaligtas ako sa kamatayan dahil sa balete. Ang kinamuhian ko ang nagligtas sa akin.
- Latest