NCAP vs pasaway!gas
Kung ang pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang tatanungin nais nilang maipatupad uli ang ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP).
Kasi nga raw mula nang ihinto ito, dumami lalo ang pasaway na patuloy na lumalabag sa mga batas trapiko.
Isa rin ito sa nakikita ng MMDA na dahilan sa pagtaas sa bilang ng mga ilegal na gumagamit sa EDSA busway lane.
Aminado ang MMDA na hindi nila kakayanin ang 24/7 na pagbabantay sa mga malawak na lansangan sa Metro Manila kaya kailangan nila ang tulong ng teknolohiya.
Isa na dyan ang mga naitalagang mga camera sa mga lansangan na siyang nakakasaksi sa mga paglabag ng mga motorista.
Napipigilan pa umano nito ang korapsyon sa lansangan kasi nga ‘no contact’ ang humuhuli at ang hinuhuli, napipigilan ang suhulan.
Magugunitang pinahinto ng Korte Suprema ang pagpapatupad nito nang maglabas sila ng temporary restraining order noong Agosto 2022.
Sa mga panahong yan talagang marami ang nagreklamo dahil nga sa taas ng kanilang bayarin sa mga paglabag.
Sa panahon ding yan marami ang nagsabing hindi pa plantsado nang husto ang mga panuntunan na pinagsisimulan ng kalituhan at kaguluhan.
Dapat sana eh napag-aralan na nang husto, lalo na ang mga naging aberya sa sistema bago ihirit ang panunumbalik nito.
Maging maayos na sana ang lahat hindi lang sa mga enforcers kundi maging sa mga motorista na ‘wag namang maagrabyado sa laki ng ipinapataw na multa.
Dapat na mapalakas ang sistema sa pagpapatupad kung makakatulong naman sa pagsasaayos ng mga lansangan.
- Latest