Paghuli sa e-trikes, e-bikes sa national highways, tigil muna!
LAKING tuwa ngayon ng mga e-bikes, e-trikes, kuliglig, tricycle at iba pang light vehicle driver nang ipahinto ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa Metro Manila Development Authority (MMDA) ang paghuli, paniniket at pag-impound sa mga ito dahil sa pagdaan sa mga national highways sa Metro Manila na ipinagbabawal na.
Nais ng Pangulo na mabigyan pa ng palugit ang mga ito dahil sa karamihan nga sa nasita at nahuli, eh tila kulang sa impormasyon sa ipinapatupad na panuntunan.
Marapat lang umano na mabigyan sila ng sapat na panahon para sa ipinatutupad na ban at kung saan-saang lugar lamang sila pinapayagan.
Sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24022 series of 2024, naka-detalye dito ang mga piling pangunahing lugar kung saan sila bawal.
Maaaring magkaroon nga naman ng kalituhan kasi nga hindi nailatag sa mga concern drivers kung saan sila bawal at kung saan lang sila maaaring dumaan.
Sa isang buwang palugit na ibinigay, dapat pa rin manita pero hindi dapat mag-isyu ng tiket o manghuli.
Dapat umano itong samantalahin para mabigyang impormasyon ang mga drivers tungkol sa panuntunan.
Malaki ang maitutulong nang palagiang paalala, para makasunod.
Sa kabilang banda, maganda ang layon ng regulasyong ito, para rin naman sa kanilang kaligtasan at ng kanilang mga pasahero.
Mahirap din naman na nakikipagsabayan ang ganitong mga light vehicles sa mga naglalakihang sasakyan sa mga pangunahing lansangan na nagsasanhi ng matitinding disgrasya.
- Latest