Layunin ng SIM Registration Law, ‘di pa nakakamit
MUKHANG patuloy na nalulusutan ang SIM Registration Law, kaya hanggang sa ngayon ay tila namamayagpag pa rin ang mga text scam.
Dahil nga rito kinalampag ni Senador Win Gatchalian ang National Telecommunications Commission (NTC) na higpitan ang pagpapatupad sa mga probisyon ng SIM Registration Law.
Kasi nga ito ay matapos matuklasan ang iba’t ibang Subscriber Identity Module (SIM) cards mula sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), na ngayon ay tinatawag nang Internet Gaming Licensee (IGL).
Sa bisa ng isang ‘warrant to seize and examine computer data’ laban sa Zun Yuan Technology Inc. na sinalakay noong March 22 at 23, natagpuan dito ng mga awtoridad ang sari-saring SIM card, kasama ang daan-daang cellular phone at digital devices.
Bukod pa dyan ang nakuha sa vaults sa compound ng Zun Yuan Tech noong nakaraang linggo, na sangkaterbang SIM cards.
Naniniwala ang senador na dahil dito malawak pa talaga ang scamming activities kung saan nasasangkot ang mga POGO.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nangyari ito dahil sa maraming raid sa POGOs sangkaterbang SIM cards na ang kanilang nakumpiska.
Nakakalungkot na bagamat umiiral na ang batas sa SIM cards, eh hindi malaman kung paano ito nakakalusot at nagagamit sa patuloy na scamming.
Baka sa papel lang ang batas, at hindi naipapatupad ng maayos para makamit ang panguning layunin nito na malabanan ang mga scam gamit ang SIM cards.
Maging ang mga lehitimong gumagamit ng SIM card ay patuloy na nakakatanggap ng mga text scam.
Hindi nga ba’t ang batas sa SIM registration ay upang magtatag ng pananagutan sa paggamit ng mga SIM card at masugpo ang paggamit ng teknolohiyang nauugnay sa SIM na ginagamit sa iba’t ibang paraan ng panloloko.
Pero mukhang hindi pa naabot ang layon na ito.
- Latest