‘Alakdan’ (Unang bahagi)
MERON akong arachnophobia o pagkatakot sa alakdan (scorpion). Nagsimula ang pagkatakot ko sa alakdan noong ako ay 12-taong gulang at naninirahan sa probinsiya.
Madalas akong isama ng aking tatay sa pangangahoy para may maigatong. Pawang mga matitigas na madre-de-cacao ang aming kinakahoy. Sabi ni Tatay mahusay na kahoy ang madre-de-cacao sapagkat malingas o maganda ang apoy.
Pinipili namin ni Tatay ang mga madre-de-cacao na matatanda na kasinglaki ng katawan ng tao. Si Tatay ang taga-palakol ng puno ng madre-de-cacao at kapag naputol na, ako ang nag-aalis ng mga tuyong sanga at pati balat nito.
Tinutuklap ko ang mamasa-masang balat ng kahoy. Nang tuklapin ko ang balat, dalawang malalaki at matatabang alakdan ang aking nakita. Napasigaw ako sa takot. Kilabot na kilabot ako. Lumapit agad si Tatay sa akin. “Ba’t ka sumigaw?’’ Itinuro ko ang dalawang alakdan. (Itutuloy)
- Latest