EDITORYAL - Online classes, ipatupad ngayong tag-init
NGAYONG araw na ito nakatakdang magbalik sa face-to-face classes ang mga estudyante sa pampublikong eskuwelahan. Ilang araw nang ipinatutupad ng Department of Education (DepEd) sa mga pampublikong eskuwelahan ang asynchronous o distance learning mode dahil sa matinding init. Ayon sa DepEd, ginawa ito para makahabol din sa kanilang school work at iba pang requirements ang mga estudyante.
Sa pagbabalik sa F2F classes, kayanin kaya ng mga estudyante ang mala-oven na classroom? Sabi ng PAGASA, magpapatuloy ang mainit na panahon at titindi pa umano pagsapit ng Mayo. Ayon pa sa PAGASA, maraming probinsiya ang nakararanas ngayon ng grabeng init. Sabi ng DepEd, maari namang magsuspende ng klase sa mga eskuwelahan na sobrang init.
Hanggang sa unang linggo pa ng Hunyo ang pagtatapos ng school year 2023-2024. Isang buwan pa ang bubunuin ng mga estudyante. Matagal-tagal pa ang ipagtitiis nila. Kawawa pa rin ang mga estudyante na magtitiis sa iisang electric fan na nasa classroom. Marami sa mga estudyante ang basambasa na sa pawis. Posible silang magkasakit dahil dito. Nakababahala rin ang pagkalat ng pertussis.
Tutal naman at sinususpende rin ng DepEd ang klase dahil sa matinding init, bakit hindi na lang ituluy-tuloy ang online classes o distance learning mode. Sa natitirang buwan ng school year, magpatupad na lamang ng distance learning kagaya ng ginawa noong nananalasa ang COVID-19. Huwag nang mag-F2F sapagkat wala ring maiintindihan ang mga estudyante dahil nasa mala-impiyerno silang classroom. Ipagpatuloy na lamang ang nasimulang distance learning mode. Ito na lamang ang tanging paraan para makaiwas sa matinding init ang mga estudyante. Huwag nang hintayin pang magkasakit sila bago pa magpatupad ng kautusan na ibalik ang online classes.
Ang nangyayaring ito na apektado ang mga estudyante sa matinding init ay dapat namang magsilbing paalala para ibalik sa dating school calendar ang pasok ng mga estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan.
Kung ibabalik sa Hunyo-Marso ang pasukan, makakaiwas sa matinding init ang mga estudyante. Hindi na nila mararanasan ang mala-oven na classroom dahil bakasyon na nila ang Abril at Mayo.
Ayon sa DepEd, maaaring sa 2025 pa maibabalik ang dating school calendar. Marami pa umanong gagawing pag-a-adjust bago ito maibalik. Hindi raw ito kara-karakang maibabalik. Nakapagtataka naman na aabutin pa ng isang taon bago ito maipatupad. Hindi ba ito mapapaikli? Hindi ba magagawan ng paraan? Maawa naman sa mga estudyante na nagtitiis sa sobrang init ng panahon.
- Latest