^

Punto Mo

‘Inidoro’

HINDI MALILIMUTANG KARANASAN - Ronnie M. Halos - Pang-masa

NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay bago pa lamang nagtatrabaho sa Riyadh, Saudi Arabia. Sa lahat ng mga naranasan ko roon bilang OFW, itong karanasan ko na may kaugnayan sa inidoro ang hindi ko malilimutan. At kapag naaalala ko ito, lihim akong natatawa. Kasi’y hindi ko akalain na mangyayari sa akin yun.

Tuwing Biyernes ay mayroon kaming shopping at food trip sa Al-Batha. Ang Al-Batha ay isang sikat na lugar sa Riyadh na paboritong pasyalan, pamilihan at tagpuan ng mga OFW. Kapag Biyernes ay punumpuno ang mga restaurant, groceries at mga padalahan ng pera (bank to bank pa noon ang pagpapadala gaya sa Al-Rahji Bank). Marami ring tao sa mga tindahan ng ginto at mga damit. Pawang Pilipino ang makikita roon na ang karamihan ay mga  nakatayo na nagkukuwentuhan at nagpapalipas ng oras.

Planado ang mga ginagawa ko kapag nasa Batha. Pagsapit ng alas singko ng hapon ay kakain ako ng paborito kong kabsa chicken sa isa sa mga restaurant doon. Isang order ng kabsa at isang malamig na Pepsi ay nagkakatalo na. Parang sinikaran ng kabayo ang tiyan ko pagkatapos kumain.
Pagkatapos kumain, sa tindahan ng gold ako magtutungo. Mura ang gold doon. Ibibili ko ang aking misis ng kuwintas. Tuwing suweldo ay bumibili ako ng alahas para kay misis. Mas maganda ang ganun kaysa kung kailan uuwi o magbabakasyon ay saka bibili.

Pagkatapos bumili ng gold, sa tindahan naman ako ng sapatos pupunta. Bibili ako ng jogging shoes. Mas mura ang sapatos na goma sa Saudi.

Pero hindi pa ako nakakapili ng sapatos, biglang kumulo ang tiyan ko. Hindi ko pinansin at pinagpatuloy ang pagpili ng sapatos. Pero biglang sumakit ang tiyan ko at kasunod ay nakaramdam ako ng pagdumi. Ibang klaseng sakit ang naramdaman ko. Hindi puwedeng isnabin ang naramdaman kong pagdumi.

Dali-dali akong lumabas sa shoe store at tinungo ang public toilet sa plaza ng Al-Batha. Pagdating ko sa toilet, okupado lahat. Hindi na ako mapakali. Talagang lalabas na. Nasa bungad na. Lahat nang santo ay tinawag ko sa pagkakataong yun.

Sa wakas may natapos din sa isa sa mga cubicle ng CR. Isang Indiyano ang lumabas. Halos dambahin ko ang cubicle.

Pagpasok ko, marumi ang inidoro. Bahagyang nai-flush. Ang ibabaw ng inidoro ay may bakas ng sapatos. Wala naman akong baon na tissue na maa­ring ipampunas dahil biglaan.

Ipinasya kong sumampa na sa inidoro para mairaos ang nararamdaman. Bahala na. Tumingkayad ako at malayang inilabas ang “sama ng loob”.

Ang siste, matapos kong mailabas ang “sama ng loob”,  nawalan ako ng balance sa pagkakatingkayad at bumagsak ako sa semento. Tumama ang aking noo sa dingding at nagkaroon ako ng maliit na bukol. Ilang saglit akong natulala dahil sa pangyayari. Makaraang makabalik sa katinuan, lumabas na ako sa cubicle. Bumili ako nang malamig na tubig na nasa bottle at dinampi ko sa bukol.

Hindi ko malimutan ang nangyaring yun.

vuukle comment

SAUDI ARABIA

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with