EDITORYAL - Trapik sa MM malubha na
GRABE na ang nararanasang trapik sa Metro Manila. Bilyong piso ang nasasayang dahil sa perwisyong trapik. Inatasan na umano ni President Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan para lumikha ng comprehensive solution ukol dito. Gusto raw ng Presidente ay pangmatagalang solusyon at hindi pansamantala lamang. Ilan sa mga nabanggit na solusyon ay epektibong transport system, pagtatayo ng subway at expressways at mga tulay na mag-uugnay sa mga probinsiya.
Tama ang ganitong solusyon. Subway at expressways ang nararapat itayo para malutas ang trapik hindi lamang sa MM kundi sa probinsiya man. Pinakamatrapik na kalsada ang EDSA na usad pagong ang mga sasakyan. Kamakailan, napabalita na tatayuan ng elevated expressway ang EDSA. Maganda ang naisip na ito, Ito ang solusyon. Hindi na baleng magbayad ng toll ang mga motorista basta wala lang trapik.
Wala nang katapusan ang trapik sa EDSA na pinalulubha pa ng mga iresponsableng contractor. Wawasakin ang kalsada pero hindi tinatapos sa takdang panahon. Iniiwan na nakatiwangwang at meron na hindi pulido ang pagkakagawan. Gaya ng ginawa ng dalawang contractor na hindi tinapos ang trabaho noong Semana Santa. Dahil hindi nasunod ang tamang araw na matatapos, nagdulot ito nang mabigat na trapik.
Nabulaga ang mga motorista nang magbalikan sa MM noong Abril 1. Nakaharang ang mga orange traffic cone sa portion ng EDSA mula Balintawak, Quezon City hanggang Boni Avenue sa Mandaluyong City. Hindi inaalis ang traffic cones dahil hindi pa raw naku-cure ang ibinuhos na semento.
Dalawang contractor na kinuha ng telecommunication company para mag-install ng fiber optic cable ang ipinatawag ni MMDA Chairman Don Artes para pagpaliwanagin. Kapag napatunayan na nagkaroon ng kapabayaan ang dalawang contractor, pagmumultahin sila ng MMDA ng P3 milyon at maaring ma-blacklist.
Ayon sa report, sa 40 paghuhukay na ginawa ng mga contractor, 16 lang ang natapos.
Huwag nang hayaang gumawa ang dalawang contractor para hindi na maulit ang impiyernong trapik. Bukod sa pagmultahin, i-blacklist na ang kanilang pangalan. Marami pa namang contractors na maaasahan.
Ipagpatuloy naman ng pamahalaan ang pagtatayo ng mga subway at expressways. Ito ang mga epektibong paraan para masolusyunan ang trapik. Ito ang pangmatagalang solusyon sa problema ng trapik na bilyong piso ang nasasayang.
- Latest