^

Punto Mo

Nakababahalang eleksiyon sa 2025

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

LUBHANG nakababahala ang magiging resulta ng mid-term election sa Mayo 2025 kung saan maghahalal tayo ng mga senador, kongresista, mayor, vice mayor, governor, vice governor at mga miyembro ng sangguniang pambayan, panglungsod at pamprobinsiya. Maaaring maidagdag pa ang plebisito sa mga pagbabago sa ating Konstitusyon.

Ang pinagmumulan ng pagkabahala ay hindi lamang ang malawakang vote-buying na ang pagbili ngayon ng boto ay sa pamamagitan ng mobile phone digital payments na tulad ng GCash at PayMaya—mas mahirap nang mahuli. Hindi lamang ang pagbaha ng pera—ang mas maraming gagastusin sa kampanya ay mas malamang na mananalo. Hindi lamang ang lalong pangingibabaw ng mga hindi kuwalipikadong political families—mas maraming magmumula sa iisang pamilya ang hahawak ng poder.

Higit na nakababahala ang mga pagdududa sa kakayahan at integridad ng bagong kinontrata ng Comelec na magsagawa ng full automation system with transparent audit and count, ang Miru Systems Co. Ltd. ng South Korea, kasama ng tatlong lokal na kompanya na kasosyo nito.

Uupa tayo sa Miru ng 110,000 automated counting machines sa halagang P18 bilyon. Napaka­laking halaga, ngunit hindi naman nakapanghihinayang gastusin kung talagang magagarantiya ang isang malinis at makatotohanang eleksiyon, kung talagang mabibilang nang tama ang mga boto.

Ito mismo ang problema kaya nga’t nanawagan ang grupong Democracy Watch Philippines sa Comelec na pag-aralang mabuti ang record ng Miru dahil sa diumano’y pagkakasangkot nito sa maanomalya at nabigong eleksiyon sa Democratic Republic of Congo, Iraq, at Argentina.

Nauna rito, pinutol na ng Comelec ang kontrata sa Smartmatic na namahala sa ating automated elections simula pa noong 2010. Maproblema rin kasi ang serbisyo ng Smartmatic, tulad ng depektibong mga makina, glitches at iba pang anomalya. Sangkot din ito diumano sa anomalyang nangyari sa eleksyon sa U.S. at Venezuela.

Noong nakaraang 2022 presidential election, naging sentro ng kontrobersiya ang sobrang bilis ng resulta ng eleksyon. Hangga ngayon, wala pang paliwanag tungkol dito ang Comelec.

Gusto natin ang mabilis na eleksiyon, ngunit mabilis na totoo. Mas katanggap-tanggap ang mabagal nga, ngunit totoo, kaysa mabilis nga, ngunit hindi naman totoo. Walang maaaring pumalit sa katotohanan.

Gayunman, ang makatotohanang eleksiyon ay hindi lamang nakasalalay sa sistema at teknolohiya, kundi higit sa lahat sa katapatan ng mga taong may hawak ng sistema at teknolohiya. Hindi makapagsisinungaling ang mga makina, ngunit maaaring manipulahin ng mga taong nagpapatakbo nito.

Ang katapatan ng anumang eleksiyon ay nakasalalay sa mga tao mismo. Hindi mababayaran ng gaano mang kalaking pera ang botanteng itinuturing ang dangal na kasinghalaga ng kanyang buhay. Hindi maloloko ang isang botanteng laging iminumulat ang mga mata sa katotohanan.

Sa tuwing may eleksiyon, umaasa tayo na mababago ang ating buhay, sapagkat makapaghahalal tayo ng mga taong maglilingkod nang matapat. Ngunit paano kung ang mahahalal ay ang mga namili ng boto, mga kandidatong ang hangarin lamang ay mapanatili ang pamilya sa kapangyarihan? Paano kung ang mananalo ay ang mga kandidatong nakinabang sa manipulasyon?

Ang mas mahalagang tanong kaysa paano ay ano. Ano ang magagawa natin para magkaroon ng malinis at kapani-paniwalang eleksyon. Ang malinis na eleksyon ay hindi lamang pananagutan ng Comelec. Pananagutan ito ng bawat Pilipinong may malasakit sa kinabukasan ng Pilipinas.

ELEKSYON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with