‘Kalapati’
NANGYARI ang karanasan kong ito noong ako ay nasa Riyadh, Saudi Arabia. Noon ay 1992. Unang pag-alis ko at inaamin kong nakadama ako ng homesick. Kahit binata pa ako noon, matindi ang tama ng lungkot sa akin sapagkat unang pagkakataon na napawalay ako sa aking mga magulang. Nag-iisa kasi akong anak. Noon ay matindi ang pagtutol ng aking tatay na huwag nang mag-Saudi sapagkat maari naman kaming mabuhay kahit hindi mag-overseas. Matatag naman daw ang trabaho niya bilang foreman sa DPWH. Ang aking ina naman ay may sari-sari store. May sarili kaming bahay at lupa.
Katwiran ko kay Tatay kaya gusto kong makapag-abroad ay para makakuha ng experience. Isa akong civil engineer. Ipinaliwanag ko kay Tatay na once na makakuha ako ng experience ay uuwi agad ako. Na-employ akong draftsman sa isang sangay ng Ministry of Defense and Aviation. Gusto kong maranasan ang maging draftsman. Mataas na rin ang suweldo ng isang draftsman. Buung-buo kong natanggap ang aking suweldo. Pinadadalhan ko sina Tatay at Nanay ng pera pero sabi nila, itabi ko na lang daw para marami akong pera sa pag-uwi. Sapat naman daw ang suweldo ni Tatay sa DPWH at si Nanay ay may kinikita rin sa kanyang sari-sari store.
Masasabi kong suwerte ako sa pagkakaroon ng mga magulang na katulad nina Tatay at Nanay. Napakabuti nilang magulang. Wala akong masasabi kundi da best silang magulang.
Tuwing Biyernes ay nakasanayan ko nang mag-brisk walking sa plaza na malapit sa aming tirahan. Malawak ang plaza na kapag naikot sa paglalakad nang mabilis ay eksaktong 30 minutes. Ang plaza ay natataniman ng mga kamatsile. Halos matakpan ng kamatsile ang buong plaza. Mangilan-ngilan ang mga naglalakad sa plaza na kinabibilangan ng ilang matandang Arabo (lalaki) at mga bata.
Isang umaga ng Biyernes, tahimik akong naglalakad sa plaza nang makita ko ang isang puting kalapati na nakadapo sa sanga ng kamatsile. Hindi ko pinansin dahil madalas akong makakita ng kalapati at batu-bato sa mga punong kamatsile.
Pero nagtaka ako sapagkat sinusundan ako ng kalapati. Nagpapalipat-lipat siya sa mga puno sa pagsunod sa akin. Hindi ko pa rin pinansin. Naisip ko na may kalapati talaga na malalapit sa tao. Naalala ko na may mga alagang kalapati si Tatay nun.
Natapos ko na ang 30 minutong pag-ikot sa plaza. Tagaktak ang pawis ko.
Nang ipasya ko nang umuwi, nagulat ako nang biglang dumapo sa ulo ko ang kalapati. Maingat siyang dumapo kaya hindi ko naramdaman ang kuko sa aking balikat. Hinayaan ko. Maaring ang kalapati ay alaga ng kung sino at sanay dumapo sa ulo ng may-ari. Habang naglalakad, nakadapo sa ulo ko ang kalapati. Nang bigla kong maalala si Tatay. Naalala ko ang sinabi niya noon na huwag na akong mag-Saudi dahil mabubuhay naman kahit hindi mag-abroad.
Hanggang sa may malamig na hangin na tumama sa mukha ko. At nalaman ko, biglang nawala ang kalapati sa ulo ko. Nanindig ang balahibo ko.
Pagdating ko sa bahay, nakatanggap ako ng tawag sa telepono mula kay Nanay. Sinasabing patay na si Tatay. Inatake sa puso. Naisip ko, ang kalapating dumapo sa ulo ko ay maaring kaluluwa ni Tatay. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon.
- Latest