Paano dapat kausapin ang bata?
ISANG linggo nang nakatira kay Susan ang pamangkin nitong dalagita na si Lindsay. May business trip ang mga magulang nito sa Taiwan. Kapatid ni Susan ang ama ni Lindsay.
Pinakikiramdaman ni Susan ang pamangkin. Matigas daw ang ulo nito, ayon sa hipag. Kung ano raw ang ipinagbabawal ng mga magulang, iyon daw ang ginagawa. Ang naging strategy ni Susan ay bigyang kalayaan ang pamangkin na gawin ang gusto nito at higit sa lahat, huwag magsasalita ng negatibo.
Halimbawa, mahilig itong magpuyat sa panonood ng TV. Sa unang gabi, 1:00 a.m. na ito natulog. Pinabayaan lang ito ni Susan. Pero sa ikalawang gabi, 10:00 p.m. pa lang ay malumanay na ipinaliwanag ni Susan sa pamangkin na nagtitipid siya sa kuryente kaya kung maaari ay hanggang 12:00 a.m. na lang ito manood. Simula noon, maaga nang matulog ito. Mga 11:00 p.m. pa lang ay tulog na ang pamangkin.
Isa sa maraming problema ng kanyang hipag kay Lindsay ay ang pagligo nito ng mahigit isang oras. Kapag pinagsabihan daw, ayon sa hipag, lalo pa itong nagtatagal sa paliligo. Ginagawang dalawang oras. Parang lalong inaasar ang ina.
Pinag-iisipan ni Susan kung paano pagsasabihan ang pamangkin tungkol sa matagal nitong paliligo. Hindi pa siya nakakapagplano, nakitaan niya ng pagbabago ang pamangkin. Naging 30 minutes na lang ang tagal nang paliligo nito.
Tumagal si Lindsay ng pagbabakasyon sa poder ni Susan ng isang buwan. Isa sa remarkable na pagbabago kay Lindsay ay ang agad nitong pagsunod sa payo ng tiyahin.
Noon napagtanto ni Susan na kaya nagiging makulit ang bata ay dahil mabunganga ang matatanda. Bungangera ang kanyang hipag. Naririndi siguro ang bata sa bunganga ng ina kaya lalong tumitigas ang ulo. Mas nakokonsensiya ang bata kung pinakikiusapan ito sa malumanay na boses.
- Latest