Bag na gawa sa hangin, tinaguriang ‘World’s Lightest Handbag’!
NAGLABAS ang isang fashion brand sa France ng tinaguriang “Lightest Handbag” na gawa sa “aerogel” ang pinakamagaan na solid material sa buong mundo.
Taun-taon, naglalabas ang French fashion brand na Coperni ng iba’t ibang version ng kanilang Swipe bag. Noong 2023, gumawa sila ng limited edition nito na gawa mula sa isang bulalakaw. Maraming nag-akala na wala nang makakahigit pa sa kakaibang bag na ito ngunit nakaisip muli ang Coperni ng mas pambihirang version nito.
Ngayong 2024, nakipag-collaborate ang Coperni kay Ionannis Michaloudis, isang Greek researcher at visual artist para gumawa ng handbag na gawa sa aerogel.
Ang aerogel ay isang espesyal na uri ng materyal na kilala sa pagiging magaan at napakababang density. Ito ang pinakamagaan na solid material sa buong mundo dahil gawa ito sa 99 percent of air at 1 percent glass. Ginagamit ito sa mga spacesuit ng mga astronaut at thermal insulation sa mga bahay at gusali.
Dahil sa ultra-light material na ito, nakapagdisenyo si Michaloudis ng isang napakagaan na bag na may bigat lamang na 37 grams. Kahit ang materyal nito ay gawa sa 99 percent air, kaya nito ang pressure ng 4,000 times ng kanyang timbang at hindi ito masisira kahit mainitan ng 1,200 degrees Celsius.
Unang ipinakita ito ng Coperni sa isang runway show noong Paris Fashion Week at simula noon, naging laman na ito ng usapan sa mundo ng fashion.
- Latest