Ang guro na hindi dapat nagturo
HANGANG-HANGA ako sa mga guro na para lamang sipagin na mag-aral at magpatuloy sa pagpasok ang kanyang mga estudyante ay kung anu-anong magandang gimik ang ginagawa.
Gaya ng guro sa Aglipay, Quirino na nagtayo ng classroom pantry para sa mga walang baon niyang estudyante. Ang guro ay si Rafael Gutierrez, 23, Grade 3 teacher sa Diodol Elementary School, sa Aglipay, Quirino.
Gumawa ng Tiktok video si Gutierrez kung saan isa-isa niyang kinakausap ang kanyang mga estudyante at tinatanong kung ano ang kanilang kinain bago pumasok. May mga estudyante na nagsabing tubig lang ang kanilang inulam bago pumasok.
Nagtayo ng classroom pantry si Gutierrez para sa kanyang mga mag-aaral. Isang shelf ang nilagyan niya ng tinapay, biscuit, instant noodles, de-lata, at iba pang pagkain. Kapag meryenda, makakapili ang bawat mag-aaral ng gusto nilang kainin.
Payo ni Gutierrez sa mga magulang: “Papasukin nang papasukin ang mga anak kahit wala kayong ipababaon. Huwag silang i-discourage na pumasok.”
Ang galing ng gurong ito. Hanga ako sa iyo Sir!
Ganito rin ang ginawa ng gurong TikToker na si Sir Juan (@johndavidmartin) para sa kanyang mga estudyante. Para sipagin, nagpapa-breakfast siya sa kanyang mga estudyante. Mainit na sopas at pandesal.
At itong si Teacher Jeric Maribao, pinakakain ng almusal ang kanyang mga estudyante. Ayon kay Maribao, kapag may laman ang tiyan, aktibo sa pag-aaral ang kanyang mga estudyante.
Hangang-hanga ako sa mga gurong ito. Kahanga-hanga kayo.
Pero itong isang babaing guro sa Maynila, kabaliktaran ang ginawa. Gumawa siya ng Tiktok video na ang laman ay pagmumura at panlalait sa kanyang mga estudyante. Hindi makain ang kanyang mga sinabi. Nag-viral ang video.
“Hindi ako nag-board exam para lang hindi irespeto ng mga katulad niyong wala pa namang nararating sa buhay. Hindi na nga kayo matalino, sama pa ng ugali ninyo. Palibhasa mga taga-squatters kayo,” sabi ng guro sa video.
Iimbestigahan na raw ng Department of Education (DepEd) ang pangyayaring ito. Dapat lang kumilos ang DepEd ukol dito.
Kabaliktaran si Mam ng mga gurong hinangaan ko dahil nagpapakain ng mga esudyante at kung anu-ano pang magandang gawain. Palagay ko hindi dapat pagkaguro ang pinasok ni Mam na propesyon. Hindi dapat magturo ang katulad niyang masama ang lumalabas sa bibig.
- Latest