^

Punto Mo

CP, walang signal o load? Subukan ang WiFi calling!

(AGHAM AT TEKNOLOHIYA) PANDAYAN - Ramon M. Bernardo - Pang-masa

ISA sa mga makabagong teknolohiya sa kasalukuyan ang tinatawag na WiFi calling na meron sa maraming smartphone. Magagamit ito sa pagtawag o pagtanggap ng tawag o pagpapadala o pagtanggap ng mga text messages kung walang signal o mahina ang signal ng iyong cell phone o nasa lugar ka na napakalayo o walang cellular tower.

Isa itong alternatibo kung walang “load” ang iyong sim card at wala kang pambili o walang mabilihan ng “load.”  Kung tutuusin, hindi na kailangan ang sim card sa paggamit ng WiFi calling para ka makatawag o makapagtext.  Magagamit naman uli ang sim card kung hindi kailangan ang WiFi o walang internet connection ang cell phone.

Ginagamit din ng WiFi calling ang teknolohiya ng VoIP (Voice over Internet Protocol) system. Kumokonekta ito sa isang carrier sa pamamagitan ng internet para makatawag sa isang linya ng telepono. Hindi siya naiiba sa mga tinatawag na Apps na tulad ng WhatsApp, Skype, Viber at Facebook Messenger at maging sa Zoom na gumagamit ng VoIP technology sa internet para makatawag o tumanggap ng mga tawag.

Maaari kang tumawag sa ibang bansa nang walang ekstrang babayaran. Hindi na puproblemahin kung konti na lang ang load sa iyong sim card kung merong kailangang tawagan.

Siyempre pa, dapat merong bukas na WiFi ang cellphone at nasa lugar ka na merong WiFi hotspot para magamit ang WiFi calling. Kailangan ding matiyak na merong serbisyo para sa WiFi calling ang gamit na smartphone at kung meron, tignan sa setting kung bukas ito o hindi.

Gayunman, meron ding ilang kahinaan sa WiFi calling, ayon na rin sa isang ulat sa CNet. Maaaring mahina o paputol-putol o mahirap maintindihan ang boses ng kausap mo sa cell phone kung nasa isa kang WiFi hotspot na napakaraming tao ang gumagamit nang sabay-sabay. Karaniwang nangyayari ito sa mga matataong lugar tulad sa shopping mall, airport o mga stadium.

Ayon din sa Forbes, nagsisilbing back-up ang WiFI calling kapag naputol ang cellular connection sa smartphone, mahina o walang signal o kaya walang load para sa mga prepaid na cellphone.  Hindi tulad sa ibang VoIP application, hindi na kailangang mag-“install” ng anumang apps o software para magamit ang Wi-Fi calling. Sadya na itong nakakabit sa iyong smartphone.  Hindi na mababawasan ang space o memory ng telepono sa dagdag na app.

Mas mainam na nagagamit ang Wifi calling kung nasa bahay mo lang ikaw na merong Wifi connection. Isa nga sa kahinaan ng teknolohiyang ito ay sa mga pampublikong lugar. Isipin na lang ang dami ng gumagamit ng Wifi sa mga restawran o hotel o mga pampublikong sasakyan tulad ng bus o tren halimbawa. Masama ang epekto sa kalidad ng tawag sa malakas na kumpetensiyang kinakaharap ng iyong cell phone.

Bukod dito, hindi naman lahat ng lugar sa mundo ay Wi-Fi hotspot.  Sinasabi sa datos ng Forbes na tumaas nang halos 500 percent mula 2016 hanggang 2021 ang mga public hotspot sa mundo pero hindi ka pa rin makakatiyak na WiFi hotspot ang mapupuntahan mong lugar. Bago pa lang ang teknolohiya ng WiFi at meron pa ring mga mobile carrier at cell phone na hindi suportado ang WiFi calling.

Kaya mainam na, kung bibili ng bagong smartphone, alamin muna kung meron itong WiFi calling kung kailangan mo ang ganitong teknolohiya.

 

Email: [email protected]

 

WIFI

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with