EDITORYAL - Daming karahasan dahil sa baril
NGAYONG 2024, mayroon nang naganap na 49 mass shootings sa United States na ikinamatay ng 80 katao at ikinasugat ng 170. Pawang mataas na kalibre ng baril ang ginamit sa pamamaril. May state sa U.S. na nire-require na dapat magkaroon ng 1 baril sa bahay ang mga residente. Ang Texas ang may pinakamataas na bilang ng registered weapons. Ang New Jersey naman ang pinakamababa. Karaniwang edad 17 hanggang 30 ang nasasangkot sa pamamaril at karamihan sa mga ito ay Puti. Ayon sa pag-aaral, ang kaluwagan sa pagmamay-ari ng baril sa U.S. ang dahilan kaya mataas ang insidente ng gun violence.
Posibleng mangyari sa Pilipinas ang nangyayari sa U.S. dahil sa pagluluwag ng Philippine National Police (PNP) sa pagmamay-ari ng baril. Ayon sa PNP, maari nang mag-ari ang mga sibilyan ng semi-automatic high powered firearms dahil naamyendahan na ang implementing rules and regulations (IRR) ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. Dahil dito puwede nang magmay-ari ng maliit na armas na 7.62 mm at pababa ang mamamayan.
Kasabay naman ng pagluluwag sa pagmamay-ari ng baril, iniulat ng PNP na nagkaroon ng 4,956 kaso ng gun-related violence noong nakaraang taon. Majority ng kaso ay shooting incidents, alarm and scandals, grave threat at robbery. Nasa 3,792 kaso na may kinalaman sa gun violence ang inihain sa mga korte. Ayon pa sa PNP, ngayong 2024, nasa 808 insidente ng pamamaril ang naitatala at may mga namatay.
Sa nangyaring ito na marami na ang naitalang gun violence ngayong taon, hindi magandang balita ang hatid ng PNP ukol sa pagmamay-ari ng semi-automatic rifle ng sibilyan. Lumalabas na parang hinihikayat ang publiko na bumili ng baril. Inianunsiyo pa nila ang hindi magandang balita.
Sa pagluluwag, sasamantalahin ito ng mga pulitiko na may private army. Bibili sila ng baril at ang resulta, mamamayani ang karahasan sa panahon ng election. Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga terorista, bank robbers at iba pang grupo ng sindikato na makabili ng baril dahil dito.
Hindi pa nareresolba ng PNP ang loose firearms, naghayag pa sila na maaari nang makabili ng semi-automatic ang publiko. Sa halip na mabawasan ang baril na ugat ng mga krimen at karahasan ay dadagdagan pa.
Katwiran ng PNP, hindi raw maabuso ang pagmamay-ari ng baril at may mga safeguards sa implementasyon nito. Paano sila nakasiguro? Hindi dapat hayaan ang ganitong pagluluwag sa pagmamay-ari ng baril. Huwag ilapit ang mamamayan sa karahasan at krimen.
- Latest