Huwag mag-post sa social media na may kinalaman sa utang
Dear Attorney,
May mga may utang po sa akin na hanggang ngayon ay hindi pa rin nagbabayad kahit ilang beses ko ng tinatawagan para singilin. Balak ko ng i-post ang mga pangalan nila sa social media pero ayokong ako naman ang magkaroon ng kaso. Ano ba ang tamang gawin ko para makapaningil ako? —Miriam
Dear Miriam,
Tama ang iyong pasya na huwag nang mag-post sa social media ng mga sensitibong mga bagay katulad ng tungkol sa mga may utang sa iyo dahil baka maparatangan ka pa ng libel at sa huli ay ikaw pa ang mademanda at makulong.
Magpadala ka na lang ng demand letter sa mga may utang sa iyo kung saan nakasaad ang huling petsa na ibinibigay mo sa kanila para bayaran ang mga utang nila. Ilagay mo na rin sa demand letter ang posibilidad na ikaw ay magsasampa ng kaso sakaling hindi mabayaran sa petsang itinakda mo.
Kapag natanggap na ng mga may pagkakautang sa iyo ang demand letter at may patunay ka nito (mas mainam kung ang may utang ang siya mismong nakatanggap ng liham) at hindi pa rin nila binayaran ang utang niya ay saka ka na magsampa ng kaso.
Puwede ka nang magdemanda para makolekta ang ipinautang mo at mga kasamang interes. Maari ka ring magsampa ng criminal na kaso kung may kasamang panloloko o kung may sangkot na mga tumalbog na tseke sa mga hindi pa nababayarang utang.
- Latest