Magkano ang dapat makuhang ‘voluntary separation pay’?
Dear Attorney,
May inaalok pong offer ang company namin na voluntary separation pay para makapagbawas ng empleyado. Babayaran daw po ang mga magre-resign under sa program. Ito raw ay para hindi na sapilitang magtanggal ng sobrang empleyado dahil sa redundancy.
Paano po kaya ang computation nitong tinatawag nilang voluntary separation pay? Para malaman ko po kung maganda ba ang offer ng company.—Fe
Dear Fe,
Ang kailangan mong tanungin ay ang human resources (HR) department ng inyong kompanya ukol diyan sa binabanggit mong voluntary separation pay. Wala sa batas iyang voluntary separation pay dahil karaniwan namang walang natatanggap (bukod sa final pay) ang isang empleyadong nag-resign o boluntaryong nagbitiw sa trabaho.
Kung mayroon mang natatanggap ang isang nag-resign na empleyado ay batay na iyon sa company policy o practice, na naka-depende na sa bawat kompanya.
Dahil wala naman ito sa batas, marami ang puwedeng gamiting batayan para malaman kung makatuwiran ba ang voluntary separation pay na alok sa inyo. Dahil voluntary naman ito, ang pangunahing katanungan diyan ay kung may balak ka ba talagang magbitiw sa trabaho. Kung wala ka naman kasing intensiyon umalis sa trabaho ay wala namang dahilan para pag-isipan mo pa kung karapat-dapat ang iniaalok na voluntary separation pay.
Kung gusto mo lang malaman ay kung maganda ba ang offer, ang isa mong pwedeng gawin para ikaw ay makapagdesisyon ay ipa-compute sa management o sa HR ng inyong kompanya ang makukuha mo kung sakaling tanggapin mo ang nasabing offer. Pagkatapos ay ikumpara mo ito sa makukuha mong separation pay kung ikaw naman ay sapilitang tatanggalin dahil sa redundancy.
Ang separation pay na matatanggap ng isang empleyado kapag siya ay natanggal dahil sa redundancy ay katumbas ng isang buwang sahod para sa bawat taon ng kanyang naging serbisyo sa employer. Iyan ang posible mong pagbatayan kung karapat-dapat nga ba ang “voluntary separation pay” na iniialok ng inyong kompanya.
- Latest