^

Punto Mo

Pagtahol sa maling puno

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAY ekspresyon sa English na “barking up the wrong tree,” ginagamit ito kapag mali ang binibigyang-diin para lutasin ang isang problema. Nag-ugat ang ekspresyong ito sa nakagawian ng mga aso na pagtahol sa isang puno na inakyatan ng hinahabol na kaaway, gayong wala na roon ang kanyang puntirya at maaaring lumipat na sa ibang puno.

Ganito ang tila nangyayari ngayon sa tangkang pagbabago sa 1973 Constitution sa layuning himukin ang mga imbestor na mamuhunan sa Pilipinas upang umunlad ang ating ekonomiya, sapagkat tayo’y nangungulelat na sa Asya, gayong noong 1965 ay pangalawa na tayo sa Japan sa punto ng kaunlaran. Napag-iwanan na tayo! Ang Vietnam na dating talo natin ay talo na tayo.  Malaki ba talagang konsiderasyon ang konstitusyon para mamuhunan ang isang imbestor sa isang bansa?  

Isa sa mga layunin ng madalas na pagbibiyahe ni Presidente BBM sa ibang bansa (sa ­unang pitong buwan ng kanyang panunungkulan ay walong beses na siyang nakapagbiyahe sa ibang bansa) ay upang himukin ang mga imbestor na mamuhunan sa Pilipinas. Kailangan ba talagang puntahan ang mga imbestor sa kani-kanilang bansa para maiengganyong mamuhunan? Tila namamali si BBM sa punong kanyang tinatahol. Ang Singapore, Hong Kong at Vietnam ay tatlong bansa sa Asya na paboritong puntahan ngayon ng mga imbestor. Wala sa usapan ang konstitusyon. Hindi sila pinuntahan ng mga punong-lider ng mga bansang ito para ligawan. 

Ang pangunahing konsiderasyon ng mga imbestor  ay ang kalidad ng pamamahala ng mga bansang kanilang pamumuhunanan. Maginhawa ba ang pagnenegosyo dahil maayos ang mga proseso at walang red tape? Wala ba o lubhang mababa ang katiwalian na umaakit ng kumpiyansa? Nagdudumilat ang katotohanan, grabe ang red tape sa gobyerno sa kabila ng pagkakaroon natin ng batas tungkol maginhawang pagnenegosyo. Sa halip na mabawasan, lalong tumitindi ang katiwalian.  Sa loob ng tatlong taon, nananatili tayong nasa “gray list” ng Financial Action Task Force na nakabase sa Paris. Ibig sabihin, mahina ang imbestigasyon at prosekusyon natin ng hinihinalang money laundering at terrorist financing, dalawang bagay na kinatatakutan ng mga imbestor. Sa madaling salita, bagsak tayo sa kalidad ng pamamahala.

Isa pa sa konsiderasyon ay ang imprastraktura—maayos na airport at lansangan, mabilis na sistema ng transportasyon at daloy ng trapiko. Pag-usapan natin ang airport. Ayon sa mga business class travelers (ito ang mapeperang turista na may kakayahang gumastos at magtayo ng mga negosyo) ang NAIA ang ikaapat sa pinakamasamang airport sa Asya at Gitnang Silangan.  Ang tatlong nangunguna sa listahan na siya ring paboritong destinasyon ng mga imbestor ay ang Singapore, Hong Kong at Vietnam. Sa 20 pangunahing airport sa buong mundo na pinili ng mga business class travelers, 12 ang nasa Asya, pero wala ang Pilipinas!

Itigil na sana ng ating mga lider ang pagtahol sa maling puno. Puntiryahin na ang talagang dahilan kung bakit atubili ang mga imbestor na mamuhunan dito sa atin. Magaling ang mga Pilipino, hindi mahihirapan ang mga imbestor na humanap ng mahuhusay at dedikadong empleado. Napatunayan ‘yan ng milyun-milyon nating mga OFWs na sinasabing nagpapatakbo sa ekonomiya ng mga bansang kanilang pinaglilingkuran.

Ang talagang problema natin ay ang masamang pamamahala at kakulangan ng maayos na imprastratura.  Panahon na para itigil ang pagtahol sa maling puno!

PROBLEMA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with