Para-paraan para mabawasan ang timbang (Last part)
• Gumamit ng asul na plato. Alam n’yo ba kung bakit ang kadalasang color scheme ng mga fastfoods ay dilaw at pula? Psychologically, nakakaganang kumain kapag nakakakita ka ng maliwanag at masayang kulay. Sa kabilang banda, ang pagkaing inilagay sa asul na plato ay nakakabawas naman ng gana sa pagkain ayon kay Tamal Dodge, isang certified yoga instructor sa Santa Monica, California.
• Itlog ang kainin sa almusal sa halip na tinapay o anumang baked goods. Ang mataas na protina ng itlog ang dahilan kung bakit kapag kumain nito ay matagal makadama ng gutom. Natuklasan sa isang pag-aaral na isinagawa noong 2008 at inilathala ang resulta sa International Journal of Obesity, ang subjects na kasali sa experiment at pinapakain ng itlog tuwing almusal ay mas malaki ang nabawas na timbang kaysa mga subjects na tinapay ang ipinapakain tuwing almusal. Kung ang pakiramdam ay laging busog, kaunti lang ang iyong kakainin sa susunod na mealtime.
• Tinidor ang gamitin sa pagkain. Kung may available na mas malaki kaysa regular size na tinidor, ‘yun ang gamitin. Isang experiment ang ginawa ng mga researchers sa University of Utah kung saan ipinagamit sa subjects ang mas malaking tinidor. Kapag pala mas malaki ang tinidor, iniingatan ng subject na maparami ang kakainin dahil nasa isip niya ay delikadong dumami ang kanyang kakainin dahil malaki ang tinidor.
• Kumain sa dining table at patayin ang TV. Mas nagiging magana sa pagkain (40% increase) kapag nakaupo ka sa salas at nanonood ng TV habang kumakain. Kasi habang nanonood, hindi mo mapapansin na marami ka na palang nakakain dahil ang atensiyon mo ay nasa iyong pinapanood.
- Latest