Ibaon na sa limot!
NAGSALITA na ang ilang mambabatas na maging sila na mismong taga-Mindanao eh hindi pabor na mahiwalay ang rehiyon sa Pilipinas na isinusulong nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.
Dapat na umano itong mabaon sa limot dahil isa umano itong malaking kalokohan at labag sa Saligang Batas.
Ayon nga kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, hindi dapat magpadalus-dalos sina Digong at Alvarez sa kanilang mga aksiyon at hakbangin.
Si Adiong ay miyembro ng House Committees on Mindanao Affairs at Muslim Affairs.
Hindi lang si Adiong kundi maging iba pang mambabatas buhat sa Mindanao at maging mismong mga mamamayan sa rehiyon ang tinatanggihan ng naturang panukala.
Marami sa mga ito ang nagpahayag na hindi na nila hahayaan na muling pagharian ng kaguluhan ang Mindanao.
Hikayat pa ni Adiong na dapat ay irespeto ng dating pangulo at ni Alvarez ang Konstitusyon at demokratikong proseso para sa matatag na nasyon.
Nakapagtataka naman na buong-buo umano ang representasyon ng rehiyon sa pamahalaan at kabilang nga dyan sina Duterte at Alvarez. Nandyan din umano sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate Minority Leader Aquilino “Koko “ Pimentel, dating Senate President na kapwa buhat sa Mindanao pero tutol din sa paghiwalay ng rehiyon sa Pinas.
Bagama’t hindi direkta, nagbigay na rin ng pahayag si Pangulong Bongbong Marcos ukol dito na nagsabing hindi siya papayag na magkahati-hati ang bansa.
Yun nga hindi rin naman tumitigil ang mga nagsusulong nito.
Anu’t anuman sana ang kapakanan ng marami ang dapat na isaalang-alang at hindi ang mga personal na interes ng iilan na hangad eh kapangyarihan.
- Latest