Pinagre-resign ng kompanyang magsasara
Dear Attorney,
Tanong ko lang po kung tama ba ang utos sa amin ng management na magpasa ng resignation letter dahil malapit na raw magsara ang kompanya. —Karla
Dear Karla,
Hindi dapat kayo pinagpapasa ng resignation letter kung wala naman talaga kayong balak magbitiw sa trabaho. Ang pagre-resign ay boluntaryo dapat sa empleyado kaya walang saysay ang utos na magpasa kayo ng resignation letter dahil sa napipintong pagsasara ng kompanya.
Kung talagang magsasara ang inyong kompanya ay kailangan nilang padalhan ng notice ang DOLE at ang mga empleyadong apektado ng pagsasara. Kailangan ding bayaran ng separation pay ang mga empleyadong mawawalan ng trabaho puwera na lang kung ang pagsasara ay dahil sa lubhang pagkalugi ng negosyo.
Kailangang malaman ng inyong employer na hindi rin naman nila magagamit ang inyong resignation letter upang makaiwas sa pagbabayad ng separation pay dahil hindi naman totoo na kayo ay nag-resign, lalo na kung sapilitan naman ang pagpapagawa sa inyo nito.
Maari pa rin kasi silang ireklamo lalo na kung may pruweba kayo na wala naman talaga kayong intensiyon na umalis sa trabaho at ang totoo ay napag-utusan lamang kayo na gumawa ng mga resignation letter.
- Latest