^

Punto Mo

EDITORYAL - Ituloy, PUV ­modernization pero ayudahan ang drivers

Pang-masa
EDITORYAL - Ituloy, PUV ­modernization pero ayudahan ang drivers

Ngayon ang deadline para sa consolidation ng mga pampublikong sasakyan sa buong bansa. Ayon sa Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga hindi pa naka-consolidate ay maituturing nang colorum at puwede nang hulihin ng Land Transportation Office (LTO). Tinatayang 100,000 ang mga jeepney na hindi pa naku-consolidate. Maraming beses nang ipinagpaliban ang pagpapatupad ng PUV Modernization Program para makapagbuo o magsasama sa kooperatiba ang mga grupo ng jeepney operators pero hanggang ngayon, hindi sila sumusunod.

Mariing sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na wala nang pagpapalawig sa deadline. I­patutupad na ang PUV Modernization na matagal na umanong naatrasado dahil sa laging pagpapaliban nito.

Ayon kay DOTr Undersecretary John Batan, hindi na magbabago ang desisyon ng pamahalaan sa itinakdang deadline ng consolidation. Tuloy na umano ang jeepney modernization program sa kabila na humihiling ang jeepney groups na mapalawig pa ang deadline dito.

Ayon naman sa ilang jeepney groups, hindi sila pa­sasailalim sa consolidation. Kahit pa raw ipagpilitan ito sa kanila, hindi sila susunod. Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda, ang nanga­ngasiwa sa kooperatiba ang makikinabang sa consolidation. Mahigit P300,000 umano ang membership fee na kinukuha sa bawat jeepney operator para makapagmiyembro sa kooperatiba. Saan aniya kukuha ng ganito kalaking halaga ang operator. Pahirap ito sa operators at drivers.

Sabi pa ni Floranda, nagsampa na sila ng apela sa Supreme Court para makahingi ng temporary restraining order (TRO) sa PUV Modernization. Hinihintay na umano nila ang pagbaba ng desisyon at naniniwala silang kakampihan ng kataas-taasang hukuman. Sinabi rin ni Floranda na magsasagawa muli sila nang malawakang tigil pasada upang iparating sa pamahalaan ang kanilang kahilingan. Hindi umano sila hihinto.

Tiyak na wala nang makapipigil sa pamahalaan para ituloy ang modernization sa kabila ng bantang strike ng jeepney groups. Hindi na nga magkakaroon ng extension. Ang tiyak na kawawa rito ay ang jeepney drivers. Kapag hindi pumasada, wala silang kita. Gutom sila at kanilang pamilya. Kung wala nang paraan para sa problemang ito, nararapat ayudahan ng pamahalaan ang mga apektadong driver. Ito lamang ang tanging paraan para hindi sila magutom. Kung magtatagal ang tigil pasada, pasanin din sila ng pamahalaan. Ganunman, dapat ituloy ang lagi nang naaantalang PUV Modernization Program sapagkat para rin ito sa kapakanan ng drivers.

LAND TRANSPORTATION

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with