EDITORYAL - Hatol sa ‘pork barrel queen’
HINATULAN na ng Sandiganbayan ang tinaguriang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles. Hinatulan siya ng 64 na taong pagkabilanggo. Bukod kay Napoles, hinatulan din ang tatlong iba pa. Sa pagkakasentensiya kay Napoles, maaaring dito na nagwawakas ang kanyang career sa pagmamaniobra ng pondo ng bayan. Tapos na ang kanyang pagwawaldas sa salapi ng taumbayan.
Napatunayan ng korte na nagkasala si Napoles ng apat na counts sa kasong graft at malversation of public funds. May kaugnayan ito sa illegal disbursement ng P20 milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni dating South Cotabato Rep. Arthur Pingoy. Pinawalang sala naman ng Sandiganbayan si Pingoy.
Sa desisyon ng Special Second Division ng anti-graft court, senitensiyahan si Napoles ng 40 taong pagkakabilanggo sa apat na kaso ng malversation of public funds at 24 taong pagkakabilanggo naman sa apat na counts ng graft na may kabuuang 64 taon. Bukod kay Napoles, nahatulan din ang mga dating opisyal ng National Agribusiness Corporation (NABCOR) na sina Rhodora Mendoza, Victor Cacal at Maria Ninez Guañizo.
Una nang hinatulang guilty si Napoles noong Disyembre 2018 dahil sa plunder sa pork barrel scam na nagkakahalaga ng P10 bilyon na minaniobra niya noong 2013 dahil sa paggamit ng pekeng non government organizations (NGOs). Nabulgar ang raket ni Napoles dahil sa pinsan niyang si Benhur Luy. Nadawit si dating Senator at ngayo’y chief presidential counsel Juan Ponce Enrile, Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla na inakusahan ng Office of the Ombudsman ng plunder at graft. Nakulong ang tatlo pero nakalaya rin.
Sa kabila naman na nahatulan na si Napoles, mayroon pa ring mga katanungan na hindi pa nasasagot. Nasaan na ang iba pang akusado o kasabwat niya sa pagnanakaw ng pondo? Nasaan na rin ang kapatid niyang si Reynald Lim na umano’y nakinabang din sa pondo? Ano nang nangyari sa iba pang inaakusa sa kanya at iba pang mambabatas na may kinalaman din sa PDAF?
Malaking pera ang napasakamay ni Napoles at sana ang kautusan ng Sandiganbayan na maibalik sa pamahalaan ang kanyang mga nakulimbat ay magkaroon ng katuparan. Lubog sa utang ang bansa at kung maibabalik ang kinulimbat ni Napoles, malaking tulong o kabawasan ito sa lumulobong bayarin.
- Latest