May intelligence ba?
NAGING kontrobersiyal kamakailan ang confidential at intelligence funds na ipinagkakaloob sa mga ahensya ng gobyerno para sa surveillance at pangangalap ng impormasyon sa seguridad. Confidential ang tawag sa pondong ibinibigay sa mga ahensyang sibilyan, samantalang intelligence naman sa mga ahensyang militar o unipormado na katulad ng Philippine National Police at Philippine Coast Guard. Ang mga pondong ito’y hindi dumadaan sa masusing pagsisiyasat ng Commission on Audit (COA).
Batay sa report ng COA, ang Office of the Vice President (OVP) ay gumastos noong nakaraang taon ng P125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw. Kagulat-gulat! Sa kabilang dako, ang Philippine Coast Guard na tagapagbantay ng ating karagatan, lalo na sa West Philippine Sea, ay pinagkalooban lamang ng P10 milyong intelligence funds. Kahabag-habag!
Maaalala na humingi si Vice President Sara Duterte, na siya ring Secretary ng Department of Education (DepEd), ng P500 milyong confidential funds para sa ahensya. Wala namang nilalabag na batas ang mga pondong ito, pero hindi lahat ng ligal ay moral o ethical. May mga nagsasabi nga na ang confidential funds ay isang uri ng pork barrel.
Bilyun-bilyong piso kung pagsasamahin ang nagagastos taun-taon para sa confidential at intelligence funds ng mga ahensiya ng gobyerno, kasama na rito ang mga local government units. Dahil sa kontrobersya, inalis na ng House Committee on Appropriations ang confidential funds ng OVP, DepEd, Department of Information and Communications Technology, Department of Agriculture, at Department of Foreign Affairs. Ito’y isang malaking panalo ng mga lumalaban sa napakalaking pondong ginugugol sa confidential funds. Pero may hirit ang Bise Presidente sa pagsasabing ang mga tumututol sa confidential funds ay mga kaaway ng bansa dahil sa paghadlang sa kapayapaan.
May mga nananawagan na tanggalin na rin ang confidential funds ng Office of the President na umaabot sa bilyun-bilyong piso. Kung tuluyang tatanggalin o babawasan nang malaki ang mga confidential at intelligence funds, malaking pondo ng gobyerno ang matitipid para mailagay sa mga basic social services, halimbawa na lamang ay ang pagpapatayo ng mga karagdagang silid-aralan. Sa ngayon, ang kakulangan natin sa silid-aralan ay umaabot na sa 159,000. Ilang bagong silid-aralan na ang maipapatayo sa halagang P125 milyon?
Sa halip na intelligence funds para sa surveillance at pangangalap ng impormasyon hinggil sa seguridad, ang kailangan natin ay pondo na magpapataas sa intelligence ng ating mga estudyante. Sa ngayon, ang kalidad ng sistema ng ating edukasyon ay nangungulelat sa Asya, samantalang may panahon na tayo’y isa sa mga nangunguna.
Napakalaking halaga ang ginugugol ng mga ahensiya ng gobyerno, kasama na ang mga local government units, para sa intelligence. Pero ang kailangan natin ay ang pagpapataas ng intelligence ng mga lingkod-bayan sa epektibong pamamahala at serbisyo publiko. Pasama nang pasama ang serbisyo publiko, pagrabe nang pagrabe ang katiwalian at red tape. Wala na yatang ahensiya ng gobyerno ang hindi tiwali. Marami sa ating mga pinuno ang kapos sa intelligence sa mabuting pamamahala, pero eksperto sa katiwalian. Ang mga ito ang tunay na kaaway ng bansa at humadlang sa kapayapaan.
Sana tuluyan nang tanggalin ang mga confidential funds sa mga ahensiya ng gobyerno. Kapag nangyari ito, baka sakalaing mangibabaw ang tunay na intelligence sa serbisyo publiko!
- Latest