‘Dating Apps’ masama o mabuti?
ISA sa mga nagiging daan ng pagkakaroon ng mga bagong kaibigan, kasintahan, o makakasama sa buhay ang mga tinatawag na “dating application” o “dating apps” sa internet. Nagagamit ito sa pamamagitan ng mga computer pero mas madalas itong buksan sa mga mobile phone ng mga taong interesado sa mga online dating services.
Mahigit isang dekada nang namamayagpag sa mundo ng internet ang mga “dating apps” na ito kahit noong bago pa isinara ang mas popular na Yahoo Messenger kasama ng mga chatroom nito. Dahil sa mga “dating apps” sa internet, maaaring magkakilala ang sinuman kahit milya-milya ang layo nila sa isa’t isa o nagmula sila sa magkakaibang bansa o lahi. Nabubuo ang mga tinatawag na online romance.
Sa tawag pa lang na “dating app,” ipinahihiwatig na ang mahahalatang intensiyon ng maraming gumagamit nito—ang makatagpo ng manliligaw o maliligawan, maaaring maging kasintahan, romantikong karelasyon o makakasama sa buhay o asawa. Hindi basta kaibigan lang. Popular din dito sa Pilipinas ang mga “dating apps” na ito. Lumabas nga sa isang survey noong 2021 na 42 porsiyento ng mga Pilipinong sinaklaw nito ang umamin na gumagamit sila ng isang “dating app”.
Nagpapatuloy ang pamamayagpag ng naturang mga online “Dating Apps” kahit meron ding mga kaakibat na panganib dito. May mga nabibiktima rito ng mga manloloko, mandurugas, mapagsamantala, mapang-abuso, mangingikil, at iba pang may utak-kriminal.
Kabilang ang mga “Dating Apps” sa ginagamit ng mga hacker o scammer para makapanloko at makapagsamantala ng ibang tao. Hindi naman nagkulang ang mga kinauukulan sa pagpapayo sa publiko na mag-ingat sa pakikitungo sa mga taong nakikilala sa internet tulad ng sa mga “dating apps”.
Maaaring epektibo ang mga “dating apps” na ito dahil tumatagal ang kanilang operasyon at marami ang patuloy na tumatangkilik. Wala nga lang kabatiran kung lahat o karamihan ng mga nagkakakilala sa ganitong programa sa internet ay nagkakatuluyan bilang mag-asawa o nauuwi sa masayang pagsasama o hiwalayan. Kailangan marahil ng mga pandaigdigang pag-aaral sa mga epekto, bentahe at disbentahe o kung nakakabuti ba o nakakasama ang naturang mga “dating apps.”
Gayunman, lumabas kamakailan sa New York Post ang isang bagong pag-aaral ng ilang mga researcher sa Arizona State University na nagsasaad na ang mga kasal na mag-asawang unang nagkakilala sa internet ay hindi gaanong masaya sa kanilang pagsasama kumpara sa ibang mga mag-asawa na unang nagkakilala nang personal o pisikal na harapan.
Sinabi sa report na mabuway at mas mababa ang kalidad ng pagsasama ng mag-asawang nagkakilala lang sa pamamagitan ng internet kumpara sa mag-asawang nagkakilala sa totoong buhay. Ibig sabihin ng nagkakilala sa totoong buhay, iyong una silang nagkakilala sa pamamagitan ng kanilang mga kaibigan, pamilya, trabaho, eskuwelahan, sa ibang mga pisikal na lugar, okasyon, aktibidad o pagkakataon halimbawa.
Lumabas sa pag-aaral na ang mga mag-asawang nagkakilala lang sa internet ay hindi gaanong tinatanggap o sinusuportahan ng lipunan at maging ng malalapit nilang kaibigan at miyembro ng pamilya. Lalong nakakaranas ng diskriminasyon ang mag-asawang nagkakilala sa internet kapag magkaiba ang lahi o bansa. Dahil dito, merong mga mag-asawang nagsisinungaling sa kanilang pamilya sa pagsasabing una silang nagkakilala sa isang restawran o bar kahit ang totoo ay sa “dating app” sila nagkakilala.
Ipinahiwatig sa pag-aaral na nagkakaroon ng hindi magandang epekto sa pagsasama ng mag-asawang nagkakilala lang sa internet ang kawalan o kakapusan ng suporta ng ibang tao sa kanilang relasyon na ayon nga sa isang hiwalay na pag-aaral noong 2021 ay nauuwi sa hiwalayan. Kapag malaki ang suporta at aprubado ng mga kaibigan at pamilya ang relasyon ng isang magkasintahan o mag-asawa, lalong tumitibay ang pagmamahalan at kasiyahan sa kanilang pagsasama, ayon sa pananaliksik.
Kahit sa U.S. ginawa ang naturang pag-aaral na maaari ring may mga limitasyon at hindi pa lubhang komprehensibo, nakakapagbigay din ito ng dagdag na pananaw sa posibleng epekto ng mga “dating apps” sa buhay ng mga taong nagkakilala dito at naging magkasintahn o mag-asawa.
Maaaring totoo ito sa U.S. pero hindi totoo sa ibang bansa. O, kahit saang bahagi ng mundo, maaaring totoo ito sa ilang mag-asawa pero merong iba na naging masaya at matagumpay ang pagsasama kahit una silang nagkakilala sa internet.
Email: [email protected]
- Latest