Pagkatapos mapangudngod
MINSAN pinoproblema rin niya ang kanyang pagiging “baby face”. Preacher kasi siya ng relihiyong kanyang kinaaaniban. Hindi naman kailangang magmukhang “senior citizen”, pero naroon ang katotohanan na mas bilib ang kanyang mga kasamahan sa matatandang preacher kumpara sa mga bata.
Kaya noong ini-assign siyang mangaral sa mga preso ng isang provincial jail, pinaghandaan talaga niya itong mabuti. Inisip niya kung ano ang pinakaepektibong paraan para mabagbag ang damdamin ng mga taong pinatigas na ng mga rehas ang kanilang puso.
Pagdating niya sa provincial jail, nakahanda na ang stage kung saan siya magsasalita. Malawak ang hall at marami ang dumalo sa prayer meeting. May five steps ang hagdan ng stage.
Habang umaakyat ay inaalala niya ang paunang salita na sasabihin upang makuha niya ang atensiyon ng audience. Hindi nakapokus ang atensiyon niya sa nilalakaran kaya nagkulang ang tapak niya sa hagdan na naging dahilan para mawalan siya ng panimbang at mangudngod sa sahig ng stage.
Ang tahimik na hall kanina ay biglang napuno ng halakhakan ng mga preso. Para bang nakapanood ng eksenang nakakatawa sa pelikula ni Vice Ganda. Damang-dama niya ang pananakit ng kanyang baba na humampas sa sahig. Malayo ang talsik ng Bibliya niyang bitbit kaya pagapang niya itong sinundan. Lalong naghagalpakan ng tawa ang mga preso. Sa isang iglap, mabilis siyang nakapag-isip ng palusot.
“Okey ba ang eksena? Pero ayos lang, basta’t masaya kayo. Seriously, mga kapatid, ito ang gusto kong ipakita sa inyo…na ang isang tao ay puwedeng bumangon, kahit ano pa ang lakas ng pagkakangudngod ng kanyang mukha sa lupa.”
- Latest