EDITORYAL - Mag-face mask para iwas sa air pollution
NGAYON ay kailangang mag-face mask hindi para sa COVID-19 kundi para makaiwas sa air pollution na nakakulapol sa Metro Manila. Noong nakaraang Biyernes, halos walang makita sa MM dahil sa makapal na usok o smog. Dahil dito sinuspende ng local government units (LGUs) ang klase. Nangamba naman ang maysakit na hika at iba pang may problema sa respiratory system dahil posibleng maapektuhan ang kanilang paghinga. Delikado lalo na sa mga bata ang nakalalasong usok.
Ayon sa PAGASA ang usok na nakabalot sa MM ay haize. Ito ang air pollution na nanggagaling sa mga sasakyan na yumayaot sa Metro Manila. Karamihan ng mga sasakyan na binubuo ng mga pampasaherong dyipni, bus at taxi ang pinanggagalingan ng nakalalasong usok. Ang mga sasakyan na ito ay hindi na dumadaan sa regular na pagmimintina at yaot na lang nang yaot.
Sa pag-aaral ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang mga sasakyan ang numero unong nagdudulot ng air pollution sa Metro Manila. Umano’y 70-80 percent ng emissions ay galing sa mga tambutso ng mga pampasaherong sasakyan. Ang maruming usok na binubuga ng mga ito ang nalalanghap ng commuters. Sa araw-araw na paglanghap sa nakalalasong usok, unti-unti rin ang pagpatay sa mga tao.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga sakit na nakukuha sa paglanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obstructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Ayon sa report, 120,000 Pilipino taun-taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng maruming hangin. Ayon pa sa pinakahuling pag-aaral, number three ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na maraming namamatay dahil sa air pollution. Kung hindi masosolusyunan ang problemang ito, marami pa ang magkakasakit. Posible ring mangyari ang resulta ng pag-aaral na sa darating na panahon, hindi na matitirahan ang MM dahil sa masamang kalidad ng hangin.
Ayon sa DENR, mayroon daw 33 air monitoring stations sa MM pero kailangan daw itong i-upgrade. Ang mga nasabing monitoring stations ang nagdedetermina ng kalidad ng hangin sa MM. Dapat imodernisa ng DENR ang mga kagamitan sa pagsusuri sa kalidad ng hangin.
Ipatupad din naman ng DENR ang nakatadhana sa Clean Air Act of 1999 ukol sa pagbabawal sa pagsusunog ng mga basura at paggamit ng incinerators. Magkaroon din naman ng regular smoke belching campaign sa mga karag-karag na sasakyan na yumayaot sa MM. Ang mga ito ang nagbubuga ng nakamamatay na usok. Paalala sa mamamayan: mag-face mask para makaiwas sa air pollution.
- Latest