Ugaling pambabarat
Tanghali na ay wala pa ring benta ang lalaking naglalako ng sariwang itlog sa kalye. Tinawag siya ng isang babae at tinanong kung magkano ang itlog.
“Pitong piso po ang isa.”
“Anim na piso na lang.”
“Ay huwag naman, puhunan ko po ang anim na piso.”
“Huling tawad, P6.50, kukuha ako ng dalawang dosena.”
Pumayag ang tindero kahit nabawasan ang kanyang kikitain ng 50 sentimos kada piraso ng itlog. Sa halip na kumita siya 24 pesos, 12 pesos na lang ang tinubo niya sa dalawang dosenang itlog. Ang babae ay tuwang-tuwa at nagtagumpay siya sa pambabarat. Gagamitin ng babae ang itlog sa negosyo niyang cakes and pastries. Madaya ang babae, binarat niya ang itlog ng kawawang lalaki samantalang ang tinda niyang cakes and pastries ay kontrolado niya ang presyo at hindi puwedeng baratin.
Kinagabihan ang babae ay nag-blow out sa mga kaibigan sa mamahaling restaurant dahil birthday niya. Ang nakain nila ay nagkakahalaga ng P4,700. Ang ibinayad niya ang P 5,000 at hindi na kinuha ang sukli. Bakit ganito ang kalakaran ng buhay, hindi siya nambabarat sa malalaking negosyante at sa halip ay nagbabayad pa ng sobra. Samantalang ‘yung kawawang tindero ng itlog ay walang awa niyang binawasan pa ang kakarampot na kikitain.
Samantala, naubos ang tindang itlog ng lalaki. Hindi lang ‘yung babae ang nambarat ng tinda niyang itlog, halos lahat ng kostumer niya. Sa halip tuloy na tumubo siya ng 400 pesos ng araw na iyon, 200 lang ang kinita niya. Umuwi siyang bitbit ang ilang kilong bigas, bagoong alamang, okra at talong para pagkain nila sa maghapon.
Moral lesson: Huwag nang baratin ang mga maliliit na nagtitinda sa palengke. Kapag naman namimili tayo sa supermarket o kumakain sa restaurant, tinatanggap natin ang presyong ibinibigay nila nang walang pagtutol.
- Latest