Babae na may insomnia, mahigit isang dekada nang walang tulog!
Isang 36-anyos na ginang sa Vietnam ang pinag-uusapan ng mga netizens dahil sa kanyang nararanasang insomnia na hindi makapagpatulog sa kanya nang mahigit isang dekada!
Viral ngayon sa Vietnamese netizens ang preschool teacher na si Tran Thi Luu matapos ma-feature sa isang palabas sa TV kung saan ikinuwento nito na 11 taon na siyang hindi natutulog dahil sa malalang kaso ng insomnia.
Ayon kay Tran, nagsimula ang kanyang insomnia matapos ang matinding pagluluha ng mga mata. Kahit siya ay nakapikit, patuloy pa rin ang kanyang pagluluha. Nang tumigil ang kanyang pagluluha, hindi na siya makatulog.
Sa tindi ng kanyang insomnia, gising ang kanyang isipan sa magdamag kahit pagod ang kanyang katawan. Upang makapagpahinga, ipinipikit na lamang niya ang mga mata ngunit dinig niya lahat ng ingay at pagkilos sa kanilang bahay.
Dumulog na si Tran sa mga espesyalista sa Quang Ngai Provincial Mental Hospital at doon na-diagnose ang “severe insomnia”. Niresetahan siya ng gamot laban dito ngunit hindi niya natagalan gamitin ito dahil bukod sa napakamahal nito, may side effects ito na nagpapasakit ng kanyang binti dahilan para hindi siya makapaglakad.
Sa ngayon, nananatiling positibo si Tran na magkakaroon ng lunas ang kanyang karamdaman at umaasa na makakatulog din siya tulad ng pangkaraniwang tao.
- Latest