‘ID ng unggoy’ nakalusot sa SIM card registration
ETO ha, dapat talagang masilip kung bakit nakalusot sa SIM registration ang mukha ng isang nakangiting unggoy.
Iyan kasi ang nabulgar sa naganap na pagdinig sa Senado noong Miyerkules kung saan nga pinatunayan ng National Bureau of Investigation (NBI)- Cybercrime Division na sinubukan nila na bumili sa ibat-ibang telcos ng SIM card saka tinangkang irehistro gamit ang ibat-ibang pangalan kalakip ang mukha ng ibat-ibang hayop.
Ilan sa mga ito ang nakalusot at matagumpay na nairehistro kabilang nga ang mukha ng nakangiting unggoy.
Kaya naman pala, kahit pinaiiral na ang batas sa SIM registration eh talamak pa rin ang text scam, dahil may mga narehistrong SIM card na ‘dispalenghado’ na pwedeng siyang magamit sa panloloko.
Hingi nga ba’t pangunahing layunin kaya binuo ang batas sa SIM registration ay para malabanan ang talamak na mga panloloko at pangangatso sa pamamagitan ng text.
May ilan namang indibiduwal ang nagbebenta sa kanilang naiparehistrong SIM sa mataas na halaga.
Ang hindi nila alam kapag nagamit ito ng mga kawatan damay sila sa kaso.
Isa pa umanong dahilan kung kaya nahihirapan ang mga awtoridad na matunton SIM na nagagamit sa scam ay dahil may ilang nagbigay ng maling impormasyon sa kanilang pagpaparehistro.
May babala ang National Telecommunications Commission (NTC) na parurusahan nito at ipakukulong ang sinumang indibidwal na nagbigay ng maling impormasyon sa SIM card registration .
Ang lahat ng sangkot sa ganitong mga ilegal na aktibidades ay maaaring makulong mula 6 na buwan hanggang 2 taong at multang mula P100,000 hanggang P300,000.
Mukhang may butas ang batas at baka hindi nito makamit ang kaya ito nilikha, kailangang lalo pang pag-aralan kung paano ito masosolusyunan.
- Latest