^

Punto Mo

Giyerang maipananalo natin

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAHIGIT sa kalahati ng mga Pilipino (62.7 percent) ang maliit o lubusang walang tiwala na gagawin ng China ang tama para sa pandaigdigang kapayaan, seguridad, at kaunlaran. Ganito rin ang sentimyento ng mga mamamayan ng iba pang bansa sa Southeast Asia: Myanmar (80 percent), Vietnam (78.7 percent), Indonesia (57.8 percent), Thailand (56.9 percent), at Singapore (56.3 percent). Anim sa bawat sampung mamamayan ng mga bansang ito ang nangangamba na panghihimasukan ng China ang kanilang sobereniya.

Resulta ito ng survey ng ASEAN Studies Center ng Yusof Ishak Institute sa Singapore. Ang Japan ang superpower na pinagkakatiwalaan sa rehiyon, 54.5 percent ang nakuha nitong suporta. Sa ating mga Pilipino, hindi kataka-taka ang resulta ng survey. Ang patuloy na panggigipit at pangmamaliit sa atin ng China ang siyang pinanggagalingan ng kawalan ng pagtitiwala.

Ipinahayag ni Presidente BBM ang kanyang patakaran na ang Pilipinas ay kaibigan ng lahat at walang kaaway isa man—friends to all, enemies to none. Posible kaya ang ganitong patakaran sa harap ng hindi magandang pagtrato sa atin ng China? Gusto nating maging kaibigan ang China, pero ang China ba ay umaasta bilang kaibigan?

Tila hindi! Kamakailan lamang, binomba ng barko ng China ang isang maliit na barko ng Philippine Coast Guard na magdadala sana ng pagkain at supply sa mga sundalong nagbabantay sa isang lumang barkong hinimpil natin sa Ayungin Shoal bilang simbolo ng sobereniya natin sa lugar na ito na nakapaloob sa exclusive economic zone ng Pilipinas. Nagmistulang laruan ng bata ang ating “unanong” barko habang binobomba ng tubig ng “higanteng” barko ng China. Sa kabila ng ating diplomatic protest, hindi humingi ng paumanhin ang China, sa halip, nanindigan ito na tama lamang ang ginawa ng kanilang Coast Guard.

Kailangang baguhin na ni BBM ang kanyang patakaran, sapagkat malayo ito sa bumabantad sa ating katotohanan. Kailangang kumilos na siya at manindigan bilang isang matapang na lider na handang ipagtanggol ang soberenya ng Pilipinas. Nagpahayag na siya na hindi niya papayagang mawala ang kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas. Matapang na pahayag, ngunit kailangang patunayan niya ito sa gawa.

Totoong hindi tayo mananalo sa giyera laban sa China. Ngunit ang giyera ay hindi lamang labanan ng mga armas. Wala tayong laban sa China kung armas ang pag-uusapan. Ang giyera ay labanan din ng paninindigan, pagtitiwala sa sarili, pagtatanggol sa katotohanan, panggigiit sa katarungan, at pagmamahal sa bansa. Sa armas ay unano tayo, ngunit hindi natin dapat hayaan ang China na maliitin tayo sa ibang aspeto ng pakikipaglaban. Ang magandang ehemplo ay ang Vietnam, isang maliit na bansang katulad natin, ngunit kailanman ay hindi nagpasindak at hindi magpapasindak sa China.

Nasa atin ang katwiran. May pinanghahawakan tayong dokumentadong desisyon ng UN Arbitral Tribunal na nasa ilalim ng ating soberenya ang mga teritoryong nakapaloob sa ating exclusive economic zone sa West Philippine Sea na inaangkin ng China. Suporta tayo ng maraming mga bansa.

Isang Goliath ang China. Tandaan na sa Bibliya, ang tumalo kay Goliath ay isang musmos sa katauhan ni David. Ang tanging armas ni David ay isang maliit na tirador at higanteng pananampalataya sa Diyos. Sa tulong ng Diyos, mapapangalagaan at maipagtatanggol natin ang ating soberenya at dangal bilang isang bansa!

GERA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with