^

Punto Mo

Katiwalian sa gobyerno

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PANG-ika-116 ang Pilipinas sa 180 bansa sa buong mundo sa Corruption Perception Index (CPI) for 2022 ng Transparency International. Ang CPI ay ang perception ng publiko sa antas ng katiwalian sa gobyerno. Ang katiwalian ay ang pang-aabuso ng mga taong-gobyerno sa kanilang kapangyarihan para isulong ang sariling kapakanan.

Ang score ay magsisimula sa zero, pataas. Mas mababa ang score ay nangangahulugang mababa ang perception na may katiwalian. Mas mataas ang score, mas mataas ang perception na may katiwalian. Ang score ng Pilipinas ay 33. Ang kalinya natin ay ang Ukraine, 33; Zambia, 33; Dominican Republic, 32; at Kenya, 32.

Sa kabilang dako, ang may pinakamataas na score kung saan ay mababa ang perception na may katiwalian ay ang Denmark, sa score na 90; sinusundan ng New Zealand,87; Finland, 87; Norway, 84; at Singapore, 83. Ang global average score ay 43, samantalang 45 sa Asia Pacific Region. Talagang napakataas ng perception ng mundo na ang Pilipinas ay isang bansang tiwali.

Ayon sa Transparency International, lumalaganap ang katiwalian dahil sa mga pangakong napapako ng mga pulitiko na nagsasabing lalabanan nila ang katiwalian, ngunit hindi naman totohanang ginagawa. Sa halip, ang mga pulitiko ay gumagawa ng mga hakbang upang gipitin ang kalayaan ng mamamayan sa pagpapahayag. Napansin ng ahensiya na ngayon ay lumalaganap sa buong mundo ang pagsikil sa kalayaan ng mga mamamayan.

Bago magsagawa ng SONA si Presidente BBM noong nakaraang buwan, lumabas ang isang survey na nagsasabing kalahati ng mga Pilipino’y umaasang tatalakayin ni BBM sa kanyang SONA ang puspusang giyera laban sa katiwalian. Pero halos ay pahapyaw lang ang ginawang pagtalakay ni BBM tungkol sa isyung ito. Wala siyang ibinabang seryosong programa upang wakasan ang katiwalian sa Pilipinas. Ibig sabihin, hindi ito prayoridad ng kanyang administrasyon.

Isa ako sa maraming frustrated sa hindi pagiging seryoso ng goyerno na labanan ang katiwalian. Kung hindi ito prayoridad ng gobyerno, talagang hindi masusugpo ang katiwalaan, sa halip, lalala pa ito. Napasok na ng katiwalaan ang lahat ng sektor ng lipunan, at hindi exempted maging ang simbahan. Sa gobyerno ay wala na yatang hindi tiwaling opisina.

Ang bagong slogan ni BBM na “Ang Bagong Pilipinas” ay magiging hungkag na mga salita kung ipagwawalambahala ang katiwalian.  Ito ang magiging pundasyon ng lahat ng kaunlaran.  Ang lipunang tapat ay lipunang maunlad.  Ang limang bansang may mababang katiwalian ay mauunlad na bansa—Denmark, New Zealand, Finland, Norway, at Singapore.

Sana’y maging zero ang tolerance ni BBM sa katiwalian.  Ngunit mangyayari lamang ito kung siya mismo’y malinis, may nakakakita man o wala. Bilang lider ay napakahalaga ng kanyang halimbawa.  Kung nais niyang maging tapat ang bawat mamamayang Pilipino sa pagbabayad ng buwis, kailangang mauna siyang maging tapat.  Kung nais niyang mamuhay nang simple ang bawat mamamayang Pilipino, kailangang mauna siyang maging simple. Kung nais niyang mahalin ng bawat mamamayang Pilipino ang Pilipinas, kailangan siya ang maunang magmahal. Ang kalidad ng pinamumunuan ay nakasalalay sa kalidad ng namumuno.

Ang ugat ng katiwalian ay ang matinding paghahangad na tumanggap. Ang tanging panlaban dito’y ang pagkakaroon ng matinding paghahangad na magbigay. Maging saligan natin ang sinabi ni Hesus, “Mas mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap.” Ito ang dapat na maging kultura ng “Bagong Pilipinas.”

KURAPSYON

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with